Maikwento ko lang….

 

Kapag magkakaroon ng essay sa school na “Who am I?”, lagi akong huling nakakapagsulat sa papel. Madali lang naman kasing isulat yung sa tingin mo na ikaw. Syempre kapag mababasa ng teacher mo, dapat pabida at dapat magagandang katangian lang sasabihin mo kase graded yan eh. Pero kapag wala ng taong nakatingin o huhusga sayo, ano nga bang masasagot mo kapag tinanong mo ang sarili mo ng, “WHO AM I?”

Di ako anak ng mayaman pero di rin naman kami mahirap. Tama lang. Lahat kaming magkakapatid nakapag aral sa private school. Nakaranas din ako ng school bus. Wala nga lang kaming sariling bahay at kotse o stable na business. OFW ang tatay ko, housewife naman ang nanay ko. Ang pinapadala lang ng tatay ko sa amin buwan buwan ay 20,000 pesos kasama na lahat dun, school, pagkain, bills, at renta ng bahay.

Wala kaming luho ng mga kapatid ko. Kung ano lang ang inihain sa amin, di kami nagrereklamo. Di rin kami lumaki na may mga magagandang laruan. Naaalala ko sa palengke lang bumibili ang nanay ko ng mga laruan. Pero masaya na kami dun! Gustong gusto ko yung palayok palayukan na laruan. Nagbabahay bahayan ako mag isa tapos nagluluto lutuan ako. Gumagamit ako ng mga dahon dahon sa tabi tabi tapos kunware lulutuin ko. Masaya na ako dun, kahit walang kalaro.

Natutuwa ako sa nanay ko kase maabilidad siya sa buhay. Kahit nagkakapatong patong mga utang niya sa mga tindahan, nababayaran din niya pagkatapos. Mahilig din siya magtinda tinda. Sa kanya ko namana ang pagiging maabilidad ko sa buhay.

Naalala ko nung kinder ako, nasa palengke kami ng nanay ko. Ako kase ang laging kasama ng nanay ko na namamalengke nun. Lagi akong nakakakita ng mga sisiw na nakalagay sa mga kahon. Gustong gusto kong bumili nun kaso natatakot ako sa nanay ko na magpabili. Strikto kase nanay ko noon. Kaya lagi lang akong nakatingin sa mga sisiw kapag namamalengke kami.

Isang araw, tinanong ako ng nanay ko kung gusto ko ba daw ng bagong damit kase sa palengke lang kami bumibili ng damit nun. Ibang iba pa itsura ng palengke ng Subic nun. Sabi ko may gusto akong bilhin pero hindi damit, nakikita ko sa may gilid ng Guevarra Clinic, sa may sakayan ng jeep pauwi sa amin. Tinanong ako ng nanay ko kung ano daw yun, natatakot pa akong sabihin kung ano pero sinubukan ko na rin. Sabi ko gusto ko ng sisiw, gusto ko mag alaga ng sisiw tapos aalagaan ko at paparamihin ko para araw araw pwede kaming mag fried chicken. Nagulat na lang ako na binilihan niya ako. Isang dosenang sisiw ang binili ng nanay ko.

Gumawa ng kulungan nanay ko sa gilid ng bahay namin. Naglagay pa siya ng ilaw sa gitna kase dapat daw naiinitan ang mga sisiw. 45 days pala ang tawag sa binili ng nanay ko. Ayun, wala pang 45 days, laging may fried chicken sa bahay! Parang laging may birthday party!

Bumili ulit ang nanay ko ng dalawang dosenang sisiw. Inalagaan namin. Tapos mga kapitbahay namin bumibili na sa amin kase fresh na fresh talaga ang mga manok. Yung iba buhay nila binibili, yung iba pinapakatay na sa nanay ko.

Grade three ako nung nag alaga din kami ng baboy. Sinabi ko sa nanay ko na bili kaming dalawang baboy tapos tulungan ko siyang alagaan tapos benta namin pag lumaki na.

Pag tapos ko ng school, pagkahatid sa akin ng service, papalit na ako ng pambahay tapos kukuha na ako ng mga kanin baboy sa mga kapitbahay namin, as in yung tinatapong tira tirang pagkain na may balat ng mga gulay na may tubig na may tinapay, basta yung typical kanin baboy. Yes, kinukuha ko yun. Di ko nga lang mabuhat at mapuno ang isang timba kaya panay balik ko sa mga bahay bahay ng mga kapit bahay namin. Minsan nagpapatulong ako sa kuya ko na magbuhat saka takot din kase akong tumawid sa highway. Ako din naglilinis ng kulungan ng baboy. Hinabol pa nga ako ng isa! Di ko alam kung paano ko natalon yung kulungan pero nakatakas ako! Puro gasgas binti at braso ko nun. Kakatakot!

After four months ata kinatay na yung dalawang baboy. Yung mga kapitbahay lang din namin ang bumibili. Mas mura siguro binebenta ng nanay ko. Di kase ako pumunta nung kinakatay yung mga baboy kase feeling ko tinatawag nila ako. Nagi-guilty ako. Pero kumita kami ng nanay ko.

Nagtatanim din ang nanay ko sa bakuran namin. May mga petchay, repolyo, sitaw, ampalaya, kamatis, upo, at patola. Tinutulungan ko nanay ko sa pagtatanim. Ewan ko pero natutuwa talaga sa mga ganun. Feeling ko may mini farm kami. Minsan nakakapatay ako ng mga halaman niya kase panay dilig ko. Pinapagalitan ako ng nanay ko kase nalulunod daw yung mga halaman. Gusto ko ako yung nagdidilig sa mini farm namin. Nakikita ko kung paano magtanim ang nanay ko. Kaya bata palang ako, gustong gusto ko na ng farm para malaki na yung tataniman namin ng nanay ko.

Minsan nung nagdidilig ako sa mini farm namin, tinatanong ng kapitbahay namin kung magkano ba daw yung isang petchay. Eh wala ang nanay ko, so binenta ko ng limang piso! haha! Nung dumating nanay ko, sinabi ko sa kanya, natawa na lang siya. Kaya ayun, bumibili din mga kapitbahay namin ng mga gulay sa mini farm namin.

Nung umakyat na kami sa  Baguio, second year high school na ako nun. Nagtry din kami na magtinda ng bbq sa labas ng bahay namin. Lahat na ata ng pwedeng itusok sa stick, binebenta namin! Haha! Ganun din, pagkatapos ko sa school, uwi agad ako, palit ng pambahay, tapos magset up na sa may gate tapos magtitinda na ako. Minsan kasama ko yung isang ate ko, minsan kasama rin ang nanay ko pero kase madalas nagtutuhog siya sa loob ng bahay kase mabilis mabenta yung bbq.

Naglalakad mga kabatch ko sa harapan ng bahay namin, mga schoolmates ko, pero never naman akong nahiya. Hindi nga lang sila bumibili pero tumitingin sila sa akin. Di naman nila ako kinukutya. Nakatingin lang.

Kapag bakasyon, mas malakas ang benta namin kase aakyat kami sa may Mines View. Magseset up kami ng ate ko ng dalawang mesa saka pang ihaw. Lalagay namin dun yung mga tinda namin, pork bbq,chicken wings bbq, isaw, leeg ng manok, ulo ng manok, paa ng manok, meron ding inihaw na pusit, at inihaw na mais. Kumpleto rin kami sa mga sawsawan! Nakabili kami ng bagong set ng sofa saka ibang gamit sa bahay.

Yung pagtitinda ng bbq, hanggang college yun. Ang baon ko nung college ako, P30 lang, kasama na lahat dun, pagkain, pamasahe, at kung ano ang kailangan sa school na pang araw araw. Nung highschool naman, P20 lang baon ko. Kasama na rin lahat dun. Kaya naisipan ko nung college ako na para madagdagan yung baon ko, dapat mas malaki yung kinikita namin ng nanay ko sa pagtitinda ng bbq. Kaya sinabi ko kapag tanghali, magluto siya ng mga ulam tapos ilalako ko.

Masarap kasing magluto ang nanay ko. Aside from bbq na talaga namang mabenta, mabenta rin yung sinigang sa miso. Ayun lagi ang nirerequest ng mga bumibili sa akin. Nilalako ko na rin kase yung bbq para mas maraming mabenta. Buti na lang, may dalawang building malapit sa bahay namin nun, puro opisina yun kaya mabenta yung ulam ng nanay ko. Simula nun, naging P50 na ang baon ko.

Mag oojt sana ako sa ABS CBN Baguio, para sa school ko pero nung nakita ako ni Sir Patrick, yung manager ng ABS CBN Baguio, sinabi niya, bakit di ko daw i-try mag-host sa variety show nila tuwing Sunday. Sabi ko di po ako marunong mag-host, ako na lang po ang taga hawak ng mga babasahin nila. Sabi niya ok, balik ka sa Sunday.

So akala ko, mag oojt na ako nun. Nagulat na lang ako nung hinila ako ng make up artist sa banyo at minake upan tapos may pinasuot sa aking damit. Sabay pinapasok ako sa mini stage ng show. Walang briefing, hindi ko alam ang gagawin ko, nakatitig ako sa mga hosts, tapos bigla kong narinig, and 5..4…3…2…1… Go!

Nagsasalita na yung mga hosts, alam na nila spiels nila, marunong na silang magsalita at umanggulo sa camera kahit yung mga bata! Ako? Nakatayo lang doon. Hindi ko alam gagawin. Tapos biglang tinawag pangalan ko, yun pala may sasabihin ako, ako na pala ang next na magsasalita. Nakakahiya! Wala akong kabuhay buhay magsalita at gusto ko ng umiyak!

Pagkatapos nun, nilapitan ako ng station manager at may inabot siya sa akin na sobre. Alam ko yun na yung last ko. Feeling ko letter na yun na saying yun na last ko.  Sinabi na lang sa akin na, next Sunday ulit, Neri. Umalis na lang ako kase desidido na ako na hindi na ako babalik, nahihiya talaga ako. Tapos nung binuksan ko yung sobre, may lamang P500! Ayun, binigay ko sa nanay ko tapos P100 na baon ko, tapos every Sunday naghohost na ako sa ABS CBN Baguio. Sayang din naman kase yung P500, hehe!

Kwento ko sa inyo minsan kung paano naman ako nag audition sa SCQ. Nanay ko lang may alam na nag aaudition ako nun. Lagi na kong absent sa school nun kase kailangan kong bumaba sa Manila para mag audition ng ilang beses. Ilang beses na pumila, ilang beses din akyat baba ng Baguio. Buti na lang nakapasok din! Ni hindi ko nga alam na may talent ako sa pag arte. As in wala akong idea. Haha! Nagulat na lang din ako na kaya ko palang gawin yun.

Nung nag artista ako. Sobrang lost ako. Wala kasing nag ga guide sa akin nun kase 4 kaming magkakapatid tapos nag-aaral pa lahat, tapos may graduating pa, at may nag rereview pa para sa board exams, so yung nanay namin, lahat kami pinupuntahan isa isa. So di ko nakakasama madalas nanay ko. Hati ang oras niya.

Maraming competition, pambubully, pagmamaliit sa akin. Di kase ako marunong sumipsip nun, haha! Nahihiya akong lumapit sa mga tao, di ko nga alam kung sino mga boss nun. Basta pag binigay nila yung script, aaralin ko lang. Pag tapos na taping, uuwi na ako sa bahay. Di na ako tatambay o makikigimik. Saka wala din akong pera nun, yung kinikita ko, nanay ko may hawak. Bininigyan lang niya ako minsan ng P500 kapag may work.

Naalala ko pa nga may isang show, first day yun ng taping. Sinabihan ako ng isang staff na, “Alam mo ba Neri, hirap na hirap kami sayo, kase ang role mo dito eh mayaman. Ang hirap mong pagandahin at magmukhang mayaman. Ewan ko ba kung bakit ikaw pa ang nilagay dito”. Sabay tawa niya. Grabe di ba? So ang ginawa ko na lang, nakitawa na lang ako. Alangang iiyak ko yun at maapektuhan trabaho ko, eh first day pa naman yun.

Mas lalo akong nainsecure sa sarili ko. Mas lalo akong pangit na pangit sa sarili ko. Marami pang mga pambubully sa akin noon. Wala talaga akong confidence sa sarili. Hindi alam ng nanay ko. Hindi ako nagsusumbong kahit kanino nun. Maniniwala ba sila sa akin lalo pa’t magagaling magsinungaling at magpanggap ang iba? Minsan pa nga nagrerehearse ako sa ASAP nun, may ilang artista ang nagtawanan at sinabi na, “O parang pinabili lang ng suka yung itsura.” Sabay tawanan sila at naka mic pa ha. Ayaw ko ng pumunta sa stage nun kase nahihiya na ako kase nagtawanan na ng malakas nun. Nakagreen na skirt ako nun at pink top na nabili ko sa ukay sa Baguio. Tapos may isang staff ng ASAP na nagsabi, wag mo silang pansinin Neri, mabait ka at yun ang importante sa lahat. Tara, magblocking na tayo.”

Pumunta ako sa stage, inimagine ko na lang na walang tao dun. Ginawa ko yung part ko sa rehearsal. Sabay umuwi na ako pagkatapos.

Inis na inis ako sa sarili ko nun kase lagi kong sinasabi nun na bakit ba kase ang pangit pangit ko? Bakit ba kase wala akong kadating dating? Bakit ba kase ako nag artista?

Huminto ako sa pag-aartista. Nag-aral ako kung paano kumilos sa harap ng mga tao. Kung paano magsalita, yung hindi nahihiya, yung kayang i-express ang sarili at kayang dalhin ang sarili sa anumang sitwasyon. Hindi naging madali pero pinag-aralan ko. Nagkaroon ako ng confidence sa sarili ko. Naniwala ako na may talent ako at kapag mabait ka sa mga tao, wala kang dapat ipangamba. Kung naging masama sila sayo, hayaan mo na lang, si God na bahala sa kanila.

Ang kailangan lang ay yung makilala mo ang sarili mo at maging proud ka dapat. Narealize ko na, hindi ko talaga kayang makipagsabayan sa mga ibang tao, mapa artista man o hindi. Di hamak na mas maraming mas magagandang babae sa akin at mas talented. Pero hindi ako dapat mainsecure dun, kase iba iba naman tayong lahat eh. Nalaman ko na hindi ako pang leading lady pero ok lang sa akin yun ngayon. Tanggap na tanggap ko yun. Masaya ako na merong roles na inaalok sa akin, mas masaya nga ako na pwede akong huminde kapag sa tingin ko hindi nababagay sa akin yung role. Ibig sabihin ay may choice na ako ngayon.

Ngayon, ok na ok sa akin na nasa bahay lang at nag aasikaso ng asawa at malapit na ring mag asikaso ng anak. May munting business, yung gourmet tuyo. Masaya ako kahit di ako sikat na artista. Masaya ako na nasa bahay lang, paluto luto, nag aayos ng bahay namin, at ngayon ay nagba-blog na. Hindi ko naman kailangan makipag compete sa iba, basta ang importante kung saan ako tunay na masaya.

Iwas din ako sa mga negative na tao. Walang chismis sa bahay. Walang away. Hassle free lang ang buhay namin mag asawa.

Wala naman akong gustong patunayan sa sinulat ko. Dapat ang isusulat ko ay kung paano mag ipon, napunta ako dito. Ayaw ko namang pilitin yung mga words na dapat ita-type ko. Kung paano lang ako makipag kwentuhan, ganun ko lang kinukwento sa blog ko.

Kung meron man makarelate sa napagdaanan ko at nahihirapan na hanapin si Confidence, just be yourself. Wala kang dapat ikahiya sa past mo kung wala ka namang inapakang tao. Basta mabait ka lang lagi. Di ka pababayaan ni God. Ako nga di ba? Ang dami nang binigay sa akin na pagsubok, sobra na nga ako sa quota eh, pero naniwala ako na di ako pababayaan ni God. Kaya eto ako ngayon, tahimik at masaya ang buhay sa piling ng aking butihing asawa.

-NM

Advertisements

40 thoughts on “Maikwento ko lang….

  1. Tin Apostol says:

    Naalala ko nun sa Columban, naaalala ko kung gaano kasipag si mommy nyo na magdala ng pagkain araw-araw para sabay sabay kayong kumain magkakapatid dun sa mga cottage natin sa school. Nakakainggit kaya un kasi talagang todo effort si mommy nyo ihahatid kau sa umaga tpos uuwi saglit sa bahay para magluto at maghatid ng lunch nyo tapos sabay sabay kayong kakain lahat. Tapos sinusubuan ka pa nga nun kasi ikaw ung bunso. Atsaka lahat kau nun talagang disiplinado. Kahit si Kuya Lorenz na kalalaking tao hindi mo makikita na nakikipaglaro during lunch time. Pag lunch time talagang magkakasama kayo nun. Kakatuwa kaya kayo nun pagmasdan. Happy family talaga.

    Like

    • Lolit Delfib says:

      Very inspiring ang kwento mo,marami mang pagsubok pero nalagpasan mo nmn,ang sarap basahin ng mga kwento mo kaya tuwing my time aq magbrowse sa ig ikaw lagi ang una kong ichecheck…
      Isa kang huwaran ndi lng sa mga kabataan kundi aming lahat n tga subaybay mo..
      Godbless you always Neri…

      Like

    • Marites says:

      Naka Ka inspired … Sarap basahin.. Thanks miss Neri you gave us idea.. Napaka simple mong mangarap..
      Keep on writing .. Inaabangan ko lagi.. Stay healthy.

      Like

  2. roxan viray says:

    Ganyan din naranasan q nung bata aq… Subrang hirap kasi namin nun.. As in! Nung high school na q ng makapag abroad c nanay q ng makatikim kami ng kaginhawaan.. Lahat ata ng pabg aapi ginawa na sa amin at sinabi.. Patay gutom walang utak,tanga,bobo,palamunin,katulong ,, kaya subrang galit nila sa amin ng makahahon kami.. Tamang ahon lang gusto kasi nila sila lang ang umaasenso.. Kaya naun mas pinili qng malayo aq sa lahat ng tao.. Tulad mu.. Mas ginugusto qng mamuhay ng tahimik at malayo sa lahat ng gulo.. Tsismis.. Problema!! Simula kasi ng mamatay c tatay q.. Parang nawala na ung koneksyon ng pagiging mag anak namin sa mga kapatid ng tatay q.. Un na din kc ang trato sa amin.. Ibang tao na at hindi na kamag anak.. Kaya kht mnsan namimis q mga kapatid q at c nanay q nadadalaw q paminsan mnsan.. Basta tahimik lang kami at masaya kuntento na po aq duon..

    Like

  3. Rhema says:

    I always read your blogs at yung mga pinopost mo sa facebook nakakainspire, gusto ko lalu maging mabuting asawa at mabuting ina sa aking anak. Thanks for sharing your stories marami akong natututunan sayo.Gob bless your good heart Ms.Neri πŸ™‚

    Like

  4. Noime pingka says:

    Sa buhay tlga hndi maiwasa na magkaroon ng pagsubok n mabibigat isa un s mga dhilan at paraan ni God pra malaman ntin s srili ntin kng kaya b ntin or my twla b tau s srili ntin..kailangan lng ntin magpakatatag s mga dumarating n pagsubok stin buhay.tulad ko din mramin n akng pagsubok n pinagdaanan mga pagsubok n ako lng mag isa s buhay at hndi alam ng magulang ko pro nlampasan ko.dun ko nlaman n na kaya ko plang tumayo mag isa pra labanan ang lhat..nung elem.ako sbrang hirap ng buhay nmin nun pro nalagpasan then nung high school ako dun ang mahirap kc naghiwahiwalay kmi tatlo magkakapatid napunta s mga tiyahin at nung college dun ako nagkaroon ng isang malaking pagkakamali na pinagsisihan ko s buhay ko..kya mnsan tau my mga bagay n dpat tlga ntin pahalagahan at sa ngaun msaya n ako my asawa preho kmi nagtatrabaho s abroad at pauwi n ngaung dec.pra bumuo ng pamilya nmin..thank you mrs.miranda ur such an inspiring woman to us😘😘😘😘

    Like

  5. Sairah says:

    You we’re such an inspiration to us.
    You’re a living proof that anyone can make anything as long as we’re trying 😊😊
    May God bless you more Ms. Neri πŸ™‚

    Like

  6. Maria Avila says:

    Very inspiring story mo Mrs Miranda 😊 Sobrang bilib ako sayo and sa mom mo. And true, masarap sa pakiramdam na yung success and happiness mo e yung wala kang naaapakang ibang tao. Praying that you get Lots of love, more blessings and happiness to come.

    Like

  7. hannah pamela says:

    Nasaan na kaya ung nagsabing mahirap ka pagandahin? Nga nga siguro sila ngayon hehe! ang ganda ganda mo po kaya. (walang halong pambobola)😊 bilib ako sayo kase bata ka pa lang pala business minded ka na.

    Siguro ung pinakaayaw ko lang na napagdaanan ko habang nagdadalaga ako eh yung nakocompare ko sarili ko sa iba lalo n ung sa mapuputi na matatangkad na magaganda pa buhok saken kasi wavy na mkapal ang buhok ko. Working student ako nun naexperience ko din na makaramdam ng inggit sa mga kaklase ko na hindi na kailangang magworking student, yung tipong after school uwe na agad, aral, relax modeπŸ˜”. Pero,paggraduate ko narealise ko na may plano si God na maganda para sakin😊

    anyway, masaya naman ako ngayon sa buhay koπŸ˜„ maraming salamat sa blog mo ms. Neri nakakagaan ng loob, nakakagood vibes at may nakukuha akong mga ideasπŸ˜‰ sana matuloy yung bout sa paano magipon.. Pleaseeeee! God bless! 😊

    Like

  8. JC says:

    Hi Ms. Neri, I love reading your entries in your blog.. nakaka inspire, minsan mahirap maging mabait lalo sa mga taong hindi naman karapat dapat pero you make it easy. Truly inspiring yung mga stories na shinishare mo.. ung lesson na: to be a better person and being kind to others, no matter what..talagang magandang leksyon. Gusto ko ung blog mo kasi you make it like friends mo kami at shinishare mo lang ung insights mo. Keep it up. ☺ God Bless!

    Like

  9. Em Romano says:

    Hi Neri. I don’t read blogs, first time ako naging interested, sa blog mo lang talaga. Natutuwa ako kasi nakikita ko na napaka simple at natural ng mga words mo, so i assume, ganun ka din bilang tao, simple at natural. Very inspiring din ang kwento ng buhay mo. Mabait ka pala talaga. Kaya siguro mahal na mahal ka din ng asawa mo.

    Hope to meet you in person. Parang ang sarap mo kakwentuhan. Sobrang positive vibes ang naaabsorb ko.

    Till here.

    Mag iingat ka palage. God bless.

    Like

  10. Angeline says:

    Hi Mrs. Miranda! Pina-follow kita sa ig kc natutuwa ako sa mga ipinopost mo. Ngayon lang din ako nagkatime mabasa ang blog mo. Ang ganda ng mga isinusulat mo. Promise! Hindi sya boring basahin. Keep it up po and have a blessed life ahead with your hubby and child. God bless you and your family…

    Like

  11. cass says:

    Alam mo nung nabasa ko blog mo parang nakakuha ako ng kakampi lumaki din kc ako ng walang self confidence laging binubully ng mga tao sa paligid ko. 12kaming magkakapatid bata pa lang ako nagtitinda na rin ako ng kung anu ano pambaon ng mga nakakabata kung mga kapatid at para may pambili ng kami ng bigas. Pag ka graduate ko ng grade 6 lumuwas na ako ng maynila at dito nag aral ng highschool dahil laking probinsya lagi ako binubully ng mga klasmate ko at ung salita ko iba lagi akung pinagtatawanan kaya lagi nlang akong nasa isang tabi tawag nila sakin negra inday bisaya hay nakakaiyak lang marami talagang tao na mapanghusga sa kapwa d nila alam kung anu hirap ko mula bata at para makapag tapos lang ng pag aaral. Nung nasako ko blog mo lalo kitang hinangaan sa lahat araw araw kung tinitingnan mga post mo nakaka inspire lang.
    Sana ma meet kita someday at maka pag papicture sayo. Godblesss at ingat lagi

    Like

  12. Charmine says:

    Hi Ms. Neri lagi akong nagbabasa ng mga blogs, katulad mo lumaki rin ako sa simpleng buhay, at dito sa blog mo na’to relate na relate ako, nag alaga rin akmi ng baboy before and gaya mo nangunguha din ako kasama ng mga kapatid ko ng mga kaning baboy sa palengke at sa canteen ng mga pabrika, then pag malaki na yung mga baboy kakatayin na sila, mag iikot naman kami sa mga kapit bahay naman para magbenta, nag alaga rin kami ng mga 45 days. Pero kadalasan November lang para pagdating ng December pwede na sila panghanda sa Noche Buena. Naranasan din namin magtanim ng pechay,kamatis, patola,okra at talong. Natatandaan ko na meron din kaming atis at caimito sa bakuran namin. Habang binabasa ko kanina bumalik lahat ng memories ko nung kabataan ko. Ang sarap mag reminisce. At ngayon na meron na rin akong sariling pamilya, may asawa at isang anak. Ang sarap mamuhay ng simple lagn. Yung sakto lang. Thank you Ms. Neri sa mga blogs mo nakak good vibes talaga. Hope to see you soon. Hoping na someday makarating kami sa cottage mo. Ingat po palagi. πŸ™‚

    Like

  13. lingoongeung says:

    Nakakarelate naman ako sa kwento mo Neri. Di din ako laking mayaman, tama lang, basta nakakakain kami ng mga Tatay, Nanay at mga kapatid ko. Naaalala ko noon gaano ko naiingit sa mga pinsan ko na may mga kaya na ang mga gamit nila sa ikswlela ay binili sa SM at ang akin ay palengke lang. Pero hindi ako nagreklamo kasi alam ko na wala kami noon. Pero dahil sa pagiging maabilidad ng Nanay at Tatay ko ay natutustusan naman ang pangangailangan namin. Nakapagtapos na kaming dalawa ng kapatid ko at may mga trabaho na kaming dalawa at natutulungan na namin ang Nanay ko. Hindi man kami ganung kayaman pero kuntento kami sa kung anong meron kami. Hindi rin namin nakakalimutan magpasalamat sa Panginoon kasi siya lahat ang gawa kung ano kami ngayun.

    Salamat sa pag-share. God Bless

    Like

  14. Mary says:

    Hi Neri! na inspire namn ako sa kwento mo. ang taong katulad mo ay d dapat kinukutya kundi tinutularan at ang ganda2 mo kaya ka look a like mo pa nga si taylor swift eh…more blessings sayo at xa pamilya mo.

    Like

  15. Debbie Esquejo Garcia says:

    Hi,Ms Neri..I enjoyed reading your blog..very inspiring..sayang di natuloy ung date sana natin last June with Iah Seraspi when I had my vacation there in the Phils.you were not available daw sa date na pwd din kami ni Iah..anyway, thank you so much for the inspiration..ang galing galing mong sumulat..I am very impressed…..praying for your safe delivery of your baby..God bless!

    Like

  16. Tin Rejano says:

    For whatever its worth, I just want to say na ikaw yung pinakamaganda dun sa SCQ batch nyo. Medyo nasad nga ako nung nawala ka sa limelight for a time. But, like what you’ve said, ang importante eh kung saan ikaw masaya, and I can see that you are really happy where you are right now. Congrats to you and I pray for your safe pregnancy and delivery! πŸ™‚

    Liked by 2 people

  17. Clarisse Torres says:

    You trully are a wonderful person indeed πŸ™‚ Ever since magjowa palang kayo ni Chito, nakafollow nako sa mga IG nyo, actually, fan na fan nya ko, but through the years, mas minahal na kita kesa sa kanya. Haha. Sobrang nakakainspire ka πŸ™‚ The way you handle life, ibang klase. Yung positivity mo, umaapaw. Kapag nagooprn ako ng ig in the morning, account mo agad pinupuntahan ko. Para morning palang, inspired na agad πŸ™‚ Keep it up Ate! Madami kaming magpupush sayo pataas! πŸ™‚

    Like

  18. Fatima says:

    Hi ms neri. Got inspired after reading ur blog. Im not into business thing😁 tho pero ang nakainspire sakin is ung dream na magkaroon someday ng mini farm.πŸ˜‡ ung magkroon ng simple life.. Thank you for inspiring us. Keep it up.πŸ‘πŸ˜ƒ

    Like

  19. Anne says:

    Hi Ms. Neri.. Your stories always enlighten my day.. Whenever I got the chance to read, post mo lagi kong pinupuntahan, then ngayon this blog.. Sobrang nakakarelate kasi ako syo, sa stories mo about you and your mom. Parang your taking me back to my childhood, pati sa pamamalengke, yung kwento mo na kasama ka lagi ng nanay mo mamalengke, ganun din kasi ako. Although madalas na iniiwan ako ng nanay ko sa isang suki nya kasi hindi ko kaya amoy kapag nasa meat section sya pumupunta. Basta laging ang ending namin ni mama, kumain ng pancit palabok sa palengke. Ang saya ko na nun.. Your stories makes me miss my mama so much, she passed away 4 years ago and still whenever I think about her, tears me up.
    Recently ko lang narealized na ang dami ko palang bad experiences sa mga kamag anak namin na lahat ng ginawa nila still in my heart. And as i look at things, dapat pala I should throw all those bad memories and take it as a challenge. My mom was not welcome sa family ng father ko, and we grew up na madalas naming nakikitang inaaway siya ng mga in-laws nya, syempre damay kaming magkapatid. 7 years old ako when my father started working abroad, pero laging kulang o konti lang yung pinapadala nya, and we always end up kung hindi nagsasangla ng alahas o kahit ano n puede, nagbebenta kami ng gamit sa bahay. Pero mas madalas na inuutusan ako ni mama na mangutang sa bilihan ng lutong ulam. Pero kelangan muna naming antayin na nakabili na lahat bago kami magsabi. Minsan, umutang kami sa tindahan ng bigas tapos yung bunso kong kapatid binully ng anak ng mayari ng tindahan, hindi nagpabully kapatid ko at lumaban ayun we end up ginera kami ng mayari ng tindahan at pinababalik yung bigas na inutang namin. Ang daming ganung kwento ng buhay ko. Maaga akong nagwork kasi naterminate sa saudi si papa, tapos naging jeepney driver sya pero kulang. I need to step up para hindi mawala sa private school yung only brother ko.
    Ngayon, I’m a mother of two boys.. And I’m trying my best to give them better life than what we had, pero madalas ko pa rin ikwento sa kanila what we’ve been through para they can learn to appreciate what they have now.
    Thank you for sharing your stories to us. Making me learn to life simply and appreciate more 😊
    Take care always

    Anne

    Liked by 1 person

  20. Bheng says:

    Hi Ms. Neri. Sobrang naiispire ako ng mga shini-share mong stories. Hindi man ako totally nakaka relate sa mga kwento mo pero ramdam na ramdam kita. Ineenjoy ko lang sana ang pagbabasa pero yung luha ko ayaw tumigil sa pagtulo. Hindi ko alam kung naawa ako sayo o natutuwa dahil despite everything hindi ka sumuko and nag strive ka pa rin talaga para makamit mo ang mga pangarap mo. And kahit na marami palang mga taong hindi naging mabait sayo wala akong maramdamang bitterness sayo and napakabuti ng puso mo. You’re beautiful inside and out!

    Nakakatuwa rin na kahit na nalampasan mo na lahat, hindi mo pa rin kinakalimutan lahat ng lessons na natutunan mo sa bawat pagsubok mo sa buhay. Ako kasi pag hindi magandang pangyayari sa akin in the past, bina-block sila ng memory ko kaya wala ako masyadong maalala sa childhood ko. Basta natapos na at hindi naman worth remembering tinatapon ko na. Bilib ako sayo kasi lahat alalang alala mo pa every detail. And nakakatuwa basahin ang stories mo kasi ang galing mo mag describe na ang dali ko ma-imagine yung mismong nangyayari sa mga panahong sinasabi mo.

    I’m so happy for you, Chito and your baby. I hope and pray na hindi ka mahirapan sa panganganak mo and kahit na magiging busy ka for sure pag dumating na si Little Chito or Little Neri sana magkaron ka pa rin ng time na mag share ng inspiring stories mo. I wish you all the best!

    Nakakatuwa rin na finally makaka-comment na ako sa mga posts mo and sana mabasa mo. Sa fb kasi “like” and “share” buttons lang ang nakikita ko. I’ve learned to really like you bec of your posts pati mga recipes mo. Yung gourmet tuyo mo lang ang hindi ko pa talaga nata-try until now. Sana matikman ko na sya soon…

    Again, thank you so much for your stories ❀️

    Liked by 1 person

  21. Irene says:

    Sana lagi ka mag post. Nkaka tuwa dahil simplet normal ang pag kaka post. Salat sa Pag pagpapangap at tunay na saloobin ng isang simpleng tao.

    Like

  22. Bambs12 says:

    Hi miss neri..your stories are very inspiring…ever since i follow you on IG,I always read your posts coz you’re so simple and very natural…keep on inspiring us…good luck and god bless your family!!!❀❀❀

    Like

  23. Cielo saberon says:

    Hi ms neri super inspiring ng kwento mo naalala ko din tuloy yung mga ups and downs ko during my school days tlgang pinilit kong mktpos ng school dhl gusto ko ng mgndang buhay more kwento kpa pls hehehe ska tong blig mo hnd about fashion or puro kasosyalan more on real life yung mga taong middle class much relate thanks for sharing

    Like

  24. rhea m. rallos says:

    hw come binu bully ka na pala scq time. when in fact gandang ganda na ako sayo dat time. well beauty is in d eye of the beholder. attract na ako sa ka morenahan mo b4… well look at you now. may mag aaway pa ba sayo nyan.

    Like

  25. Trixie viray says:

    Hindi ako mahilig magbasa ng blogs at lalong magcomment. Pero sobra akog nainspire. Sobrang fan ako ng SCQ. And I remember ung live show na mamimili ng top 3 o 5 yata non. Ang natirang pagbobotohan ikaw at si Melissa Ricks. Natatandaan ko sinabi ni tito Boy Abunda na ikaw ang gusto niya magpatuloy.. Ikaw ang gusto niyang manalo.. Para sayo ang boto niya.. Pero wala siyang magagawa kasi isa lang sya.. Kalaban nio ung ibang judges at text votes. Grabe naiyak ako non kahit bagets palang ako. Alam ko na may nakikitang iba sayo si Tito Boy, at alam niyang totoong tao ang basa niya sayo. Goodluck sayo sana lagi kang masaya. πŸ™‚

    Like

  26. pennyatcost says:

    Nakaka inspire bahasahin buti nakita ko ung isang blog sa fb na wais na misis ka daw. Na curious po ako bakit then nakita ko ung mga binibili mo na mura nasabi ko nalang wow! Ayos pala si ate neri tapos chineck ko ung IG mo then napadpad nga ako sa blog site mo at nakakatuwa po talaga. Naalala ko tuloy ang ginawa kong pagtitinda ng banana chips, pagbantay ng computer shop at pag titinda sa tindahan ng tito ko para mag kapera. Pero ngayon nakalimot na ata ako dahil guminhawa ang buhay namin dahil sa pag abroad ng papa ko kaya na enlighten po ako ng nabasa ko ung blog nyo. Bilang mag uumpisa palang ng career malaking tulong po ang mga nabasa ko. Thank you ate neri. Godbless ❀

    Like

  27. Maan Mercene says:

    First time ko magbasa ng blog mo,nagustuhan ko agad. Ang galing! Nakakainspire ka. Ayaw ko na nga bumitaw sa pagbabasa eh. Haha. Para lang tayong naguusap ng personal. Para lang tayong magkaibigan na nagkukwentuhan habang binabasa ko mga entries mo. Keep it up! God bless you,your husband and your soon to be little neri or little chito.

    Like

  28. maria wilyn says:

    sana dumating ang araw na makakapag sulat na ako ng ganitong blog. Yung tipong ok na lahat, merong darating na problem pero at least yung ibang mabibigat problem naikembot mo na.

    Like

  29. angeline kasilag says:

    hello ate neri! matagal na kitang napapanuod scq plng. kaya alam ko din yung mga sinasabe mo na binubully ka. marami po talagang ganyang tao. pero tingnan ka nila ngayon diba? successful at masaya sa buhay.

    Like

  30. say says:

    Hello Ms. NERI 😊 WOoooow! D ko po akalain na marunong po kau mgalaga ng baboy. Walang wala sa face nyo po heheh.. Ang Ganda nyo po para sa mga ganyan. .Nakakahanga po yung Sipag at diskarte nyo po at ng mommy nyo.. Sa totoo lang d ko hilig mag basa ng napakahabang istorya pero nung nkta ko po sa news feed ng fb ko kayo mag asawa , naging curious ako sa inyo po.kaya gumawa ako ng ig account para ma-view ko itong blog nyo dhl d ko maopen pg walang ig. .at hnd lang po dhl sa BLOG nyo po, napansin ko rin kc na napaka- simple nyo po at totoo .. Totoong bilang tao “ung tipo na d nyo po iniicp na artista kau dapat ganito gnyan, baka ano icpn ng mga tao pg may mali ako” ..in short dpo kau Epal/feeling angat na angat! Kaya tuloy po IDOL NA KITA! Totoo ka sa sarili mo.. Kau lang ata mg asawa na nkta ko na ” pinapahalagaan ung drive nyo ” kc ilang ig na ng artista tinignan ko wala man gnun halos puro travel at mamahaling gmit nila ang pinopost nila.. Kau po, pinapahalagahan nyo po cla.. Idol! Sana po d kau mg bago. Lahat ng mabubuting tao pinagpapala ng Diyos.. Saludo ako sau! πŸ˜˜πŸ˜˜πŸ‘πŸ‘

    Like

  31. Beth says:

    Hello Ms.Neri,
    Ay grabe kaya pala nawala ka saglit nun kasi lagi kaming nagtatanungan ng mama ko asan na kaya si Neri bakit nawala sya maganda at okay naman sya aahh gandang-ganda kasi kami ni mama sayo eh. Relate ako dun sa maabilidad at masipag nung grade school piso lang baon namin para maging 4 pesos sabihin ko lagi sa tita ko ako na lang magbebenta ng ice candy niya hehe kasi sayang yong 3pesos hihihi nung nag high school ako wala na sa bahay tita ko nagasawa na kasi kaya sa lola ko naman ako nagsabi na magtitida ako ng kutchinta sa school para madagdagan yong 2pesos kong baon nung high school haha! Yon kasi talaga kabuhayan namin kutchinta,puto,palamig or samalamig at yong balisusu in Bicol hindi ko alam ano sa tagalog yon basta yong nakabalot sa dahon ng saging (giniling na bigas with young coconut) yong triangle shape hehe. Ay grabe nang panahon na yon lagi kami gigisingin ng 4-5am para tumulong sa pagbabalot hehe syempre bata pa kami nun super antok kami ng mga kapatid ko haha! Tapos nung college naman ipinamana na ng Lola ko yong Kutchinta sakin para sa pang araw-araw na gastusin at sa pag aaral naming magkakapatid ako yong panganay at iniwan kaming limang magkakapatid at ang nanay ko nung high school palang ako jusko ang hirap! Sabi ko sa sarili ko noon hindi ako papayag na ang buhay ko eh hindi aangat hehe! Then nakilala ko ang aking asawa ngayon nakilala ko sya nung nagtatrabaho pako sa Lydia’s Lechon haha! Ngayon nakakapag ipon nako dito sa sarili kong kita hihi pareho kaming nagtatrabaho wala pa kasi kaming baby hehe saka waiting for my permanent visa din ako hehe . Ay grabe napasarap ang kwento ko haha! Feeling ko kasi kausap lang kita hihi anyway God bless you Ms.Neri looking forward na makita ang baby niyo πŸ˜ŠπŸ˜‰β˜ΊοΈ
    Love Lilybeth Manimtim Henry from Bicol/Australia 😘
    Ps.follower mo din po ako sa IG haha! Pasensya na po ang haba nang nasabi ko ☺️.

    Like

  32. Winter World of Love says:

    Pareho tayo ng pangarap miss neri, ako ayoko din tumira sa city. Mas gusto ko sa bukid, yung tahimik kasama ang pamilya ko. Maraming alagang hayop at maraming pananim. Pero mas gusto ko talaga yung coconut farm. Mahilig kasi kami sa buko. Hehe. Nakakainspired magbasa ng blog mo. Hindi ako nagsisi na finollow ko ig mo at hanggang dito. Thank you.😘

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s