Paano ba magsimulang mag-business?

Business minded ako kahit noong bata palang ako. Madalas nasa mind ko lang lahat noon, haha! Kase kagaya nyo, takot at hindi alam kung paano magsimula. Clueless kumbaga.

Pero kahit noong bata palang ako ay nagtitinda na ako ng kung anu ano. Naalala ko nung grade school ako nasa Subic palang kami nun, nagpapagawa ako sa ate ko ng polvoron at yema para ibenta sa mga classmates ko sa school. Nag alaga din kami ng nanay ko ng dalawang baboy tapos pinalaki at inaalagaan ko, pinakatay ng nanay ko para ibenta sa mga kapit bahay. May mini garden naman kami sa bakuran, binebenta ko naman sa mga kapitbahay yung mga gulay, hehe! Tapos nung high school naman ako, nagtinda ako ng bbq sa labas ng bahay namin sa Baguio. Pag summer naman nagtitinda din kami ng ate ko sa Mines View ng bbq, ihaw na mais, at ihaw na pusit. Nung college naman na ako, nagtitinda pa rin kami ng bbq sa labas ng bahay namin tapos pag tanghali naman ay naglalako ako ng mga ulam. Pinapaluto ko ang nanay ko ng mga ulam tapos ako ang maglalako sa sa mga office.

Bata palang ako ay maabilidad na ako. Never ko ikinahiya yung paglalako at pagbebenta ko ng mga pagkain. Natutuwa pa nga ako pag kinukwento ko eh, ang saya kaya ng experience na yun!

Nakakatuwa kase nagagamit ko na mga natutunan ko nung bata pa ako. Tapos nag iimprove ngayon. Nagbabasa ako ng mga libro, nagreresearch ako ng successful stories ng mga businessmen. Kahit mga nagtitinda sa palengke, kinakausap ko sila at natutuwa ako na naibabahagi nila yung mga kwento nila sa buhay. Iba din kase na makasalamuha ka ng toto0 at normal na tao, yung mga nagsusumikap para sa mga anak nila. Nakaka inspire.

Ang laging tinatanong sa akin ng mga tao ay kung paano nga ba daw ako nag umpisa?

Honestly, aksidente lang talaga ang success story ng Gourmet Tuyo ko. Mahilig lang akong magluto para sa pamilya ko at mga kaibigan ko. Lagi lang akong may tuyo sa bahay tapos isang araw I decided na gumawa ng gourmet tuyo. Two weeks na nasa ref at walang kumakain, tapos dumating mga kaibigan ko, naghanap sila ng pagkain para daw midnight snack nila, nakita nila yung tuyo ko, ubos ang isang malaking jar. Hanggang nag oorder na sila sa akin tapos na invite na ako sa mga bazaars. Sabi nga nila, the rest is history.

Una ang mashe-share ko sa inyo na ang mga small businesses ko ngayon ay akong ako talaga. Passion ko talaga. Natutuwa ako. Hindi ko nararamdaman yung pagod. Siguro kaya kahit papaano ay masasabi ko na successful siya kahit maliitang business lang siya.

Una mong tatanungin sa sarili mo, ano nga ba ang passion ko? Ako kase mahilig akong magluto, magtanim at mag ukay. Kaya siguro madali din akong matuto kung paano patakbuhin ang small business ko.

Hindi lahat ng hinawakan ko ay masaya, haha! Nagkaron din kami ni Chito ng pharmacy kaso lugi at pinasara na namin kase nga di ko alam kung paano patakbuhin ang business na yun. Hindi ganun pinag aralan. Akala ko kase since wala pang pharmacy sa lugar na yun eh kikita na ako. Mali ako.

Nagfranchise din ako ng teashop, lugi din. Kase nga di nga ako hands on nun. Nasa Baguio kase yung franchise namin. Sa awa ng Diyos, hindi pa nasasarado, haha! Gusto ko nga ibaba dito sa Tagaytay o Alfonso kaso marami kase kaming may ari nun. Baka nga ilagay ko na lang dito sa amin para mababantayan ko baka maisalba ko pa.

Nung nagba-bazaar ako, hindi ko ine-expect na tatangkilikin nila agad. Iniisip ko dati, ah pupunta sila kase andito si Chito Miranda, magpapapicture sila tapos bili na rin. Nagugulat na lang ako na gustong gusto ng mga tao yung lasa ng gourmet tuyo ko, andyan man si Chito o wala. Ibang iba nga daw ang lasa. Kaya proud ako sa recipe ko.

Minsan naman ay nagbe-bake ako. Kapag sinipag lang, dun lang ako nagtitinda at nagbebenta. Ngayon naman ay inaayos ko ang Neri’s Bakeshop dito sa Alfonso. Kumuha na rin syempre ako ng bakers ko para tulungan ako. Hindi ko kaya ng ako lang sa grabeng demand ng tinapay. Dapat isang baker lang kaso iba nga ang demand sa tinapay, yung kahera ko tinuruan na rin namin at madali namang natuto tapos tinuruan na rin namin yung asawa ng isa kong baker. Para makahabol kami sa quota. Gusto ko kase na may quota sales everyday.

Mahilig akong mag ukay. Panay ukay ko dati nung nasa Baguio pa ako. Tyagaan lang talaga. Wagwagan ang tawag sa ukayan sa Baguio kase winawagwag mo yung mga damit sa pagpili, hehe! Nung lumipat kami dito sa Alfonso, syempre yung mga gamit namin nung mga dalaga at binata pa kami ni Chito ay nadala namin sa bahay namin, at yung mga iba nakatambak na lang sa bodega. Kaya we decided na magpa garage sale pero hindi sa garahe namin kase bawal sa subdivison. Kaya lumabas kami ng subdivision, hehe!

Nagulat na lang ako na ang daming bumibili! Tapos may mga natirang gamit pa. Ayaw ko ng iuwi sa bahay kase naglilinis nga kami sa bahay, kung iuuwi ko pa, tatambak na naman yan. Kaya naghanap ako ng space for rent sa Alfonso para dun ko sana itambak, may nakita akong magandang space at sa daaanan lang, kaya nag ukay store na ako agad, hehe! Sayang ang benta!

So far, ok naman ang kita. Di nga lang ganun kalakihan kumpara nung nag aartista ka, pero mas masaya ako dito. Sobrang saya. Nag eenjoy talaga ako. Lagi lang akong nasa bahay, naalagaan ko anak ko at asawa ko at syempre yung bahay namin ay napapatakbo ko rin. Tapos may small business pa ako sa tabi tabi. Nakakapag ipon ako kahit paano. Nabibili ko yung mga gusto ko at  hindi nanghihingi sa asawa ko. Natutulungan ko pa siya sa mga gastusin sa bahay. YUng mga kaya ko namang bilhin at bayaran, ginagawa ko na. Pero kapag malakihan naman na, sinisingil ko na asawa ko! Haha!

Lahat po ng small businesses ko ay complete papers po. Kahit maliitang business lang, kumbaga ay barya barya lang naman sa iba, gusto ko legal pa rin lahat. Baka may mainggit sayo tapos di complete papers mo, biglang ipasara yan, di ba?

Bibigyan ko kayo ng sample o idea kung magkano at kung paano magsimula ng business based sa aking experience.

Kung meron kang TWO HUNDRED PESOS, pwedeng pwede kang magtinda ng ice at ice candy. Siguro naman alam na nating lahat kung paano ang gumawa ng ice at ice candy.

Kung meron ang  ONE THOUSAND PESOS, pwede kang magsimulang magbenta ng leche flan.

Naalala ko, may nabasa ako sa isa sa mga followers ko na kung meron siyang puhunan ay magbi-business siya ng leche flan kase marunong syang gumawa ng leche flan. Kaya nagmessage ako sa kanya.

22361253_10156692934298136_1972378344_n22446834_10156692936593136_1339695351_n22361161_10156692944773136_15587549_n

Kung may THREE THOUSAND PESOS hanggang TEN THOUSAND PESOS ka naman, marami ka ng pwedeng pagpiliiang gawing business nun!

  1. Pwede kitang maging reseller sa Home with Neri Sprays ko. Pwedeng pabango at pwede rin sa bahay, sa closet, sa kotse, sa sapatos, o kahit sa banyo. Sa halagang 3k, pwede na kayong maging reseller.
  2. Pwede kayong maging reseller ko sa Neri’s Gourmet Tuyo, 7k lang worth of tuyo na ibebenta nyo at siguradong kikita kayo. Sobrang walang talo kase mababawi mo agad yung puhunan mo tapos may kita na agad. Kung sobrang sipag mong magtinda, wala pa sa isang linggo ang ROI mo.
  3. Pwede rin ang ukayan! Sa halagang 5k na worth ng damit, pwede ka ng magpaukay. Kahit ng alang sa garahe nyo eh. Tapos maglabas ka na lang ng mga pwedeng container ng mga ukay damit mo. Kung makikita mo agad na ukay pala ang tamang business para sayo, hanap ka na ng magandang pwesto tapos ayusin mo na ang mga damit. Need ihanger ang mga damit ng maayos tapos kailangan mo ng tindera mo para magmasid at mag assist sa mga tao. Kahit ikaw na ang maging kahrea. Amg sikreto lang sa pag uukay business, wag mong mahalan items mo. Ukay kase yan. Saka para babalik balikan ka ng mga suki mo.
  4. Pwede ka rin na magtinda ng bbq sa labas ng bahay nyo. Yung puhunan depende rin naman sa kung ilan at ano angbebenta nyo. As long as masarap ang timpla ng bbq at ok ang sawsawan, patok yan sa mga tambay at mga kapitbahay.
  5. Pwede rin magtayo ng maliitang karinderya. Mas maganda nga kung sa tapat lang din ng bahay nyo o garahe kase wala ng rentang babayaran. kahit limang ulam lang oka na yun. Ako nga naglalako eh, college student na ako nun.

Sa mga nagtatanong naman kung magkano ang inilabas ko sa bakery ko, buti na lang ang asawa ko ang bumili ng oven package kase mahaaaal! Hahaha! That’s 65 thousand pesos. Rent ng pwesto ko, 4k per month. Tapos lima ang tao ko sa bakery. Marami sila kase need humabol sa quota. Isa taga linis at hugas, isa naman tindera, tapos shiftig yung 3 bakers. Gagawin na naming 24 hours ang bakery. Grabe ang demand ng tinapay tapos magsusuplly na rin kami sa iba.

Ang mapapayo ko siguro ay kailangan nyong alamin ang sarili nyo. Tanungin ang mga sarili kung ano ang passion nyo. Kung mahilig kang magluto, gumawa ka ng recipe na dun ka makikilala. Kung mahilig ka sa mga damit, alamin mo kung saan kumukuha ng pinakamurang tela o yung mismong warehouse. O kaya hanap ka ng sarili mong mananahi, baka ikaw marunong, ikaw na rin! Dapat alam mo kung saan at ano ang strengths mo at pag aralan mo. Wag yung kung anong uso yung ganito, eto rin gagawin ko. Mahirap kase yun, mararamdaman mo yung pagod talaga. Kapag gustong gusto mo yung ginagawa mo kahit na maliitang kita lang, hindi mo mararamdaman yung pagod, nag eenjoy ka ba araw araw at iyon ang importante.

Ako kahit maliit lang ang business ko, masaya ako dito, nag eenjoy. Ibang iba sa mundong ginagalawan ko dati, simple lang buhay ngayon pero kuntento at masaya ako. Nakakasama ko pa ang anak ko araw araw, Si Chito kase halos araw araw din ang trabaho niya. Kung nag aartista ulit ako, ganun din ang schedule ko. Mas gusto kong kasama anak ko.  Kaya buti na lang at nahanap ko yung business na para sa akin. Salamat po sa Diyos at nagabayan ako.

Ano na ba ang mga naiisip nyong business? Nakakatakot syempre lalo na pera ang ilalabas mo. Kaya maganda yung maliitang labas lang ng pera at yung extra mo lang para kung di maging successful, medyo di ganun kasakit sa puso at bulsa.

Pero kailangan talagang matibay ang loob mo at naniniwala ka sa produkto mo. Si Chito dati, panay kontra sa mga businesses na naiisip ko, haha! Pero mas maigi nga yun at mas natuto ako, mas careful ako, at mas pinag aralan ko. Kaya ugali ko dati, sige lang! Go lang! Si Chito yung tipong conservative pagdating sa pera at pag iipon. Gusto niya yung siguradong kikita kahit maliit lang. Ako yung tipong try natin to! Ok to! Game Ako! Haha! Kahit di ko pa gaanong napag aralan.

Pero nung natuto na ako, nabilib ang asawa ko sa akin kase successful mga hinahawakan ko. Saka natutuwa siya kase maliitang puhunan lang nilalabas ko. Para nga naman kung di maging successful, ok lang. Next product o usiness ulit! Hehe!

Saka pala ang isang mapapayo ko ay wag mangutang. Kung May gusto kang business, pag ipunan mo. Mahirap magloan lalo na kung first time mo. Paano kung malugi tapos baon ka pa sa utang? Hirap di ba?

Ang next na ta-try kong product ay peanut butter. Napagod lang ako sa pag bukas ng bakery ko. Pero tatry ko na soon ang peanut butter ko! Nakuha ko na yung lasa ng peanut butter na gusto ko, hehe! Trial and error syempre!

O sya sige! Maglilinis na ako ng bahay! Oplan minimalist ang theme ng bahay ko now. Inaayos ko rin ang house rules, hehe! Para madaling mag linis! Next time try ko i-blog yung “homekeeping rules” ko. Baka mai-apply nyo sa bahay nyo. Mahirap din kase na maglinis at magpalinis lalo na kung may gusto kang klase ng paglilinis. Yung iba kase ligpit lang ang ginagawa, hindi linis talaga! Hirap di ba? Baka next time may agency na ako ng tagalinis ng bahay, haha!

NM

Advertisements

Recipe! Recipe!

Hello again! Pasensya na at ngayon na lang ulit ako nakapagsulat sa blog. Ang daming ginagawa ni Mommy Neri. Nakakapagod pero masaya! Masayang maging isang ina!

It’s 9:45 am ngayon, magluluto palang ng lunch namin. Basil and Tomato pasta ang iluluto ko at chicken para healthy. Habang nagsusulat ako ngayon sa blog ko, I am watching Julie & Julia, one of my favorite movies! Mas nakaka inspire magluto at magsulat at the same time.

What if gawin ko rin yung ginawa ni Julie na gagayahin niya yung mga recipes ni Julia. Then update ko kayo ng mga recipes ko, hehe!

Kinikilig ako kina Julie at sa asawa niyang si Paul at kay Ninang Ina Garten ko at kay Jeffrey!

Ang saya kaya na may asawa kang very supportive. Just like my husband, Chito na bilib na bilib sa mga pinaggagawa ko, haha! Lagi niyang sinasabi na I am so proud of you, Baby ko! Nakakataba ng puso. Ang sarap pakinggan! Mas nakaka inspire!

Anyway, maglagay lang kayo sa comment section kung anong recipe ang gusto nyong gayahin ko at ipopost ko rin dito sa blog ko. Just in case, di kayo familiar sa Julie & Julia na movie, search nyo lang at try nyong panuorin. Mas gaganahan pa kayong magluto at soooooooooooobrang nakaka inspire.

Eto na ang lunch namin! Di pa tapos ang chicken pero ok na ang pasta!

Basil and Tomato Pasta

19668128_10156314088398136_354177527_n

Ingredients:

Linguine Pasta

Garlic

Onion

Basil

Olive Oil

Salt

Tomato

  1. Boil the pasta with water, konting asin, and oil. Set aside.
  2. Sauté garlic, onion, tomato, and basil.
  3. Ilagay na yung pasta at lagyan ng konting water mula sa pinakuluang tubig ng pasta. Maglagay rin ng konting salt.

 

Baked Chicken Recipe

19668396_10156314088013136_1715471875_n

Ingredients:

Olive Oil

Salt

Rosemary

Paprika

Garlic

Chicken

  1. Pre heat oven 350F
  2. Marinate the chicken with olive oil, salt, parika, garlic, and rosemary for 20 minutes.
  3. Fry the chicken for 5 minutes each side.
  4. Put the chicken sa oven. Bake for 45 minutes.

 

Bon Appetit!!!

 

 

May super close na girl ang asawa ko,anong gagawin ko?

Selosa ka ba masyado at hindi ma-control? Yung tipong kahit wala namang ginagawang masama yung boyfriend or asawa mo, lahat na lang ng ginagawa niya ay may malisya sayo. Kaya palagi kayong nag aaway?

Ayan ang natatanggap kong mga messages ngayon. Paano ba daw ma-control yung pagiging selosa nila? Alam naman nila na wala naman daw ginagawa yung boyfriend o asawa nila na masama pero di nila mapigilan yung magduda at magselos sa mga nakakasama o kahit nakakausap lang daw na babae yung partners nila.

Ayun naman pala eh. Alam mo na sayo yung problema. Bakit ka nagke-create ng mga problema na alam mo naman na wala talaga? Kase gusto mo ng drama? Kase insecure ka? Kase hindi mo nararamdaman ba yung pagmamahal niya sayo? O may ginawa siyang kalokohan noon at ang hirap ibalik yung tiwala sa kanya ulit?

Kung ikaw ay si Drama Queen na super lahat na lang ay dapat may meaning, may malisya, may dapat pag awayan. Hay naku, Ate! Sa tingin mo ba ay nararapat ka magkaron ng karelasyon? Ang hirap makasama ang mga taong toxic. Lahat may kadramahan. Tapos dapat ikaw ang pa ang sentro ng lahat? Tapos kapag hindi ka pinansin sa kadramahan mo, drama 2.0 na ang gagawin mo. Haaaaaay. Hirap yan. Maraming taong lalayo sayo dahil sa ugali mong yan.

Try mo kayang pag aralan kung bakit ganyan ka ka-drama. Wag mong sabihin kase sa past mo, naku! Pag nagkamali sa past mo, lesson learned yun. Dapat natuto ka and be thankful ka sa experiences na yun at nagiging lesson sa buhay mo. Wag yun ang gawin mong excuse kung bakit ka ganyan. Padrama effect lang yan. Be positive! Instead na mga mali ang lagi mong nakikita, try mong humanap pa ng magandang nangyare sa experience na yun.

Gawin mong hobby yung maghanap ng positivity sa paligid mo. After a month, makakasanayan mo na yan. In less than two months, mag iiba takbo ng buhay mo. Masaya lang lagi. Lahat ng nakikita mo sa paligid mo maganda at masaya lang lagi. Syempre hindi maiiwasan yung magkakaron ka ng problema sa buhay pero kapag positive kang tao, kahit gaano pa kalaki yung problema mo, makakaya at makakaya mo pa rin kahit mahirap. Dasal  lang lagi. Hindi naman tayo pababayaan ni God.

Kita mo naman ako? Hindi ako gumagawa ng kadramahan sa buhay pero di ako nilulubayan ng ‘drama’ sa life! Hahaha! Pero kahit anong ibato sa akin, lagi kong sinusubukan na maging positibo pa rin sa buhay. MAHIRAP, sobrang hirap gawin yun lalo na kapag feeling mo walang wala ng pag asa. Pero kapag nahihimasmasan na ako sa kalungkutan, mas pinipili kong bilangin yung blessings ko sa buhay. Mas pinipili kong makita yung mga magagandang nangyare sa buhay ko, at mas pinipili kong i-embrace ang mga taong laging andyan para sa akin, ang mga taong nag mamatter sa buhay ko, ang mga mahal ko sa buhay. Pag ganun ang ginagawa ko, medyo gumagaan ang pakiramdam ko at mas nakakahinga ako.

Kung ikaw naman ay  napaka insecure sa buhay. Naiintindihan kita. Kase ako? Dumaan talaga ako sa insecurities noon lalo na nung pumasok ako sa pag aartista. Sobrang lost ako. Saka kitang kita naman na wala akong confidence noong mga panahon na yun tapos lagi pa akong binubully. Pero hindi dapat excuse yung mga mapapait na nangyare sa akin sa paligid ko nun, dapat ginawa ko yun na inspirasyon para mag improve pa ako, hindi ko dapat isisi sa paligid ko kase may choice ako, ang maging loser o mag improve, di ba?

Nag aral ako kung paano pa ako mag iimprove. Nagbasa basa ako ng mga libro for self improvements kahit sumasakit na ulo ko sa kababasa. Hindi ako tumigil na pag aralan kung paano ang dapat at hindi dapat na ikilos sa harapan ng mga tao.

Kailangan mo ring tanggapin ang weaknesses mo. Wag kang maiinis o maaasar kung may magsabi ka na eto yung mali o weakness mo kung alam mo namang totoo. Makinig ka lang at pag aralan mo kung bakit hindi mo maialis yun o mabago.

Aminado akong hindi ako kagandahan at malayong malayo ako sa kaseksihan na yung tipong pagpapantasyahan ako ng mga kalalakihan. Malayong malayo pero tanggap ko. Alam ko naman eh, haha! Pero ang ginagawa ko, dinadaan ko na lang sa ugali at sa talent! Hahaha!

Eh hindi na nga ako kagandahan tapos ang sama pa nang ugali ko, ano yun? Kawawa naman ako, di ba? Kaya mas maganda nang mabait ka sa lahat. Tapos dinadaan ko sa talent, nag aral akong magluto on my own, ngayon ay naaappreciate na ako, hindi lang ng aking asawa kundi ng maraming tao. Kapag may napapanood ako sa tv na naiinspire ako, ni-reresearch ko kung paano gawin yun, ta-try ko kung kaya ko at kung matripan ko, gagawin ko ng hobby. Nagbabasa pa rin ako ng mga libro, yung alam kong makakatulong pa sa pag iimprove ko sa sarili ko.

Never stop learning. Malaking factor din sa mga lalaki ang mga babae na mahilig magbasa. Super turn on sa kanila yun. May kanya kanya tayong  strengths and weaknesses. Tanggapin natin yun. Pero hindi naman huli kung matuto tayo sa mga bagay na bago sa atin.

Inaamin ko OA na ako sa pag iimprove sa sarili ko, pero hindi dahil may kakumpetensya ako kundi para rin sa sarili ko. Mas madagdagan ang confidence ko. Kapag confident ka sa sarili mo, mas mahahalin mo sarili mo at mas mamahalin ka ng partner mo. Kase positive yung energy na binibigay mo sa environment nyo.

Feeling ko nga napakakulang pa ng mga ginagawa ko para sa sarili ko, sa asawa ko, at sa anak ko. Pag sinasabi ko sa asawa ko yun, nawi-weirduhan siya sa akin kase papaano pa daw nagiging kulang eh halos hindi na nga daw ako nagpapahinga. Kung anu ano ang ginagawa ko sa bahay, kung anu ano ang nireresearch ko o binabasa kong libro para lang magkaron pa ng laman ang utak ko. Pero sabi niya sa akin, mas maigi na rin daw na feeling ko ay laging may kulang kaysa sa feel na feel ko na pagod na pagod ako sa kaka asikaso sa bahay at kakabasa ng libro pero busy lang sa phone kaka-social media lang.

Marami ang nagtatanong sa akin kung nagseselos ba daw ako sa mga kaibigang babae ni Chito? Ang lagi kong sagot sa kanila, bakit ako magseselos? Eh mga kaibigan nya yun eh. Bago pa ako pumasok sa buhay ni Chito, mga kaibigan na nya yun. Bakit ko pipigilang makipagkaibigan ang asawa ko sa kanila? Ano ang magagawa ko kung kagaganda at kasesexy ng mga kaibigan nya?

Hindi talaga ako selosa. So far, sa mga kaibigan ko at mga kaibigan niyang mga babae na naging kaibigan ko na rin, wala namang lumalande sa asawa ko. Mararamdaman mo naman yun eh. Kahit matulog pa si Chito sa bahay ng mga best friends nyang babae, panatag ako. Kase may tiwala ako sa asawa ko at may respeto rin ang mga kaibigan niyang mga babae sa akin.

Kung tatanungin nyo ako kung never ko ba naramdaman na may something yung girl sa asawa ko, sa ibang mga kakilala ni Chito na babae, meron! Haha! Hindi pa rin kase maiwasan ng iba na magpacute kay Chito kahit may asawa’t anak na siya. Super nabawasan na nga eh. Naku nung mag girlfriend/boyfriend palang kami, yung uso pa ang “BBM Messenger”, ang daming mga babae ang nagpapadala ng mga photos kay Chito, effort talaga, haha! At panay tawag pa ng mga yun. Pero di ko pinapansin yun. Mild pa nga yun eh. Basahin nyo yung blog ko dati na “SADAKO”, mas malala pa mga ginagawa ng iba. Super feeling!

Pero yung mga best friends ni Chito, never ako nakaramdam ng iba. Kapag magkakasama kase sila para lang silang mga bata. Mahal nila ang isa’t isa at ayun naman dapat ang irespeto ko.

As long as may trust at respeto kayo sa isa’t isa, wala namang problema. Hayaan mo lang makihalubilo ang asawa o boyfriend mo sa mga girls, meron at meron talagang aaligid sa kanila. dapat kiligin ka pa nga kase aside from you, may nakaka appreciate pa sa mahal mo. Kung magpacute man yung babae at humantong sa kalandian… as long as hindi ineentertain ng partner mo, ok lang! Ang haba ng hair mo, girl! Kase sa dinami raming babaeng nagpapacute sa kanya, ikaw ang mahal niya. Yun lagi ang isipin mo. Kapag nagloko na si mister o boyfriend, ibang usapan na yun. Sa ibang blog na lang tayo mag usap, haha!

Alam nyo minsan nga mas maganda rin kapag may “SADAKO” sa tabi tabi, basta mild Sadako lang ha! Hahaha! Kase minsan machachallenge ka rin in a way. Syempre kapag nalaman mo kung sino yung habol ng habol sa mister mo/boyfriend mo, hindi mo maiiwasan na pag aralan yung personality nung girl. Aminin na natin, kahit sabihn natin na wala tayong pakialam sa babae, aalamin mo rin kung sino at ano siyang klaseng tao. Dapat may checklist ka sa isip lang. Ganito ang iniisip ko lagi:

Maganda ba? Sexy ba? Palengkera ba? Paano ba siya magsalita? Malakas ba? Mahinhin ba? Maganda ba skin? Maganda ba paa? May utak ba? May laman ba utak? Magaling ba magluto? Masinop ba sa bahay? Malinis ba magdamit? Mukha bang marunong mag alaga?

Mga ganyan ang iniisip ko,haha! Yung maganda o sexy, usually given na yan. Minsan nga sexy lang, haha! Nagkakatalo na lang yan kung paano magsalita, laman ng utak, marunong magluto at kung mukhang marunong mag alaga. Kaya ako, alam ko na di ako kagandahan at lalo na hinding hindi sexy, grabe ko naman alagaan mister ko, haha! Aba syempre, gumaganda na rin ako kase maalaga ako sa mister at sa bahay, at ngayon sa anak namin. Hinding hindi talaga ako pagpapalit ng asawa ko. Pinagsisigawan pa nga niya sa buong mundo kung gaano niya ako kamahal eh. Kung magloko man siya ngayon, kawalan niya. Kase ang pag aalaga ko sa kanya yung tipong “ang swerte swerte mo kase alagang alaga ka sa akin at wala ka ng mahahanap na katulad ko”. Yun ang lagi kong iniisip at ginagawa, effective naman.

Kaya relax lang tayo mga girls! Kung sa tingin nyo ang hirap “ispelengin” ang mga lalaki, naku, nagkakamali kayo. Ang dali dali lang basahin ng mga lalaki! Mas powerful tayong mga babae, yan ang lagi nyong tatandaan. Madali lang mapa-amo ang mga mahal natin sa buhay, yun ay alagaan sila ng tama, mahalin sila ng tama. Kapag ganyan ang ginagawa mo, kahit hindi kayo magkasama, kahit mga babae pa mga kausap ng asawa o boyfriend mo, ang bukambibig niya lagi ay ikaw. Kung gaano siya kaswerte at nananalangin na sana ay hindi mauntog ang ulo mo, haha!

-NM

Muntik na kitang minahal…

Naranasanan nyo na ba na may mahal ka pero may mahal nang iba? O para sa mga high school, yung tipong may crush ka pero iba ang crush ng crush mo? Saklap di ba? Pakiramdam mo parang katapusan na ng mundo? Gumuguho na ang mundo mo. Ang sakit sakit. Hirap bumangon sa kama. Parang ayaw mo nang pumasok sa school o sa trabaho. Haaaaay.

Nung high school ako, may transferee sa school namin. Hindi ko alam kung expelled o nakick out ba siya sa school nila. Pero third year high school palang kami nun. Siguro bad boy siya sa kanila para makick out?

Naalala ko pumasok siya sa room namin, magiging classmate ko pa pala. Ninety percent ata ng mga girls, kinikilig sa kanya. Pero isa ako sa ten percent na hindi kinikilig sa kanya. Yung ibang mga girls, akala mo sinisilihan ang mga pwet sa kilig na parang nakakita ng ipis na numinipis ang mga boses. Kanya kanya na silang pagpapacute.

Hindi lang sa classroom namin pati sa ibang mga sections at ibang high school levels. Siguro dahil transferee? Siguro kase bad boy image niya? Iba ang dating siguro sa mga high school na kick out ka sa school? Cool siguro sa kanila yun? Hindi ko alam eh pero di ko talaga sya type.

Nung pinakilala siya sa classroom ng adviser namin, biglang tinawag pangalan ko. Nagulat ako. Inutusan ako ng adviser namin na i-tour ko daw yung bagong student sa buong campus. Kaasar! Sa lahat lahat ako pa talaga. Ang dami na ngang ibang girls na nagvovolunteer na sila na lang daw yung magtour sa new student, pero ako pa inutusan.

Nung recess time, pagkalabas ng classroom namin, tinuro ko lang yung building namin ng junior high school, tapos konting hakbang lang, siguro mga ten to fifteen steps lang, tinuro ko yung canteen namin saka sinabi ko na lang sa kanya yung looban dun kapag lumiko siya, rest room na yun. Saka sabi ko sa kanya, yung nasa tapat obvious naman na simbahan namin sa school. Saka sinabi ko na bahala na siya magtour sa sarili niya. Natawa na lang siya. Hindi ko alam kung bakit. Dahil ba medyo irita ako sa kanya? Dahil ba hindi ako katulad ng iba na nagpapacute sa kanya? Dahil ba wala akong paki sa kanya? Hindi ko alam kung bakit siya natawa… Biglang dumating sister niya. Pagkakataon ko na yun para umalis at magrecess.

Umalis talaga ako ng hindi nagpaalam. I know, hindi magandang manners yun pero ayaw kong makita ng mga students na nakadikit ako sa kanya, baka isipin pa nila na nagpapa cute ako sa kanya, di ba? Kaya umalis na ako agad. Hindi ko rin alam kung gusto niya akong ipakilala sa sister niya. Hindi ko nga maalala kung pinakilala ba niya ako kase nagmamadali akong umalis bago pa lumabas lahat ng students para magrecess.

Tawagin na lang natin syang Mr. Bad Boy Transferee.

Days, weeks, months ang lumipas.

Isang araw, tinanong ako ng isang classmate ko kung bakit daw puro smiley yung mga gamit ko. As in lahat talaga: bag, ballpen, lapis, pins, yung binder notebook ko, basta puro smiley ako. Alam nyo ba yung sinasabi ko? Yung yellow na smiley face? Anyway, sabi ko wala lang, gusto ko lang, napapasaya niya ako eh, paborito ko lang talaga. Sabay sabat si Mr.Bad Boy, “mga gamit niya puro smiley pero yung may ari, ni hindi man lang ngumiti kahit konti”. Nagulat ako.

Hindi ba ako ngumingiti? HA???? Eh panay tawa ko nga kapag kasama ko mga kaibigan kong mga loka loka eh. Yung tipong umiiyak na kayo sa kakatawa tapos walang sound tapos nakakandahulog na kayo sa sahig kase tawang tawa na kayo? Ganun kaya ako. Pero tama sya…hindi ko nga siya nginingitian.

Siguro nga naiirita ako sa kanya? Pero hindi ko alam kung bakit ako iritable sa kanya. Wala naman siyang ginagawang masama sa akin. Tahimik nga lang siya sa classroom eh. Lagi lang nakikinig sa walkman niya. Wala pang iPod nung high school ako, haha! Siguro gusto ko patunayan na hindi lahat ng mga girls eh patay na patay sa kanya? Hmp. Hindi ko alam.

Naalala ko, lagi niyang kinakanta yung “Iris” ng Goo Goo Dolls. Namemorize ko na nga eh. Paano kase nilagay siya ng adviser namin malapit sa upuan ko. Lagi kase akong nasa likod kase matangkad ako. Mapa seating arrangement o pila sa flag ceremony, lagi akong nasa likuran. Kaya halos mga lalaki na mga katabi ko.

Kahit may klase kami nakikinig siya sa walkman niya. Nasa tabi siya ng classmate namin na naka-upo sa harapan ko. Gets mo ba seating arrangement namin?

Ang ginagawa niya, yung cord ng ear phone niya, pinapadaan niya sa loob ng uniform niya sa likod. Tapos papadaanin niya sa sleeves niya, long sleeves kase uniform namin. Tapos kunware nakasandal yung ulo niya sa kamay niya pero nakikinig na siya ng mga songs nya. Hindi siya nahuhuli, wala naman nagsusumbong sa ginagawa niya.

In fairness kay Mr. Bad Boy, hindi mukhang bad boy yung itsura niya. Actually malinis yung skin nya sa face, laging bagong ligo pag pumapasok tuwing morning. Nakasuklay naman yung hair niya. Plantsado at mukhang mabango naman yung uniform niya. Hindi ko pa naman siya naaamoy pero malayuan o malapitan, mukha naman siyang mabango.

May event sa school namin, hindi ko na maalala kung ano yun, pero nagulat na lang ako at magpeperform daw siya. Akala ko kakanta kase panay kanta nga nya ng Iris. Nagulat na lang ako na nag seset up siya ng drums. Aba eh, drummer pala ang loko! Kaya naiimagine mo na ba kung gaano na yung kilig ng mga babae sa campus namin kase drummer siya, another pogi point, at syempre laglag panty na naman sila kay Mr.Bad Boy. Nagseset up palang yun ng drums ha? Hindi pa nagpeperform.

Ayan na, magpeperform na si kuya. Naku, nagtanggal ng uniform! So mas dumadami ang kilig sa quadrangle, at di pa ata nakuntento si kuya, eh pati sando tinanggal! Nagtilian na ang mga girls. Tapos tumalikod siya, buong likod niya, may tattoo! Certified bad boy nga si kuya!

Parang ugat ng tao yung tattoo niya, pero punong puno, buong likod, hindi ko masyadong tinitigan. Pavirgin pa eyes ko nun. Syempre third year high school palang ako nun. Probinsyana, kaya nagugulat pa ako sa mga ganun. Siguro kaya siya nakick out sa dati niyang school dahil sa tattoo niya? Hindi ko alam eh.

Nagperform si Mr. Bad Boy Transferee. Infairness, magaling siyang drummer. Narindi na lang tenga ko sa kakatili ng mga babae sa tabi ko, kaya umalis ako dun at hinanap mga kaibigan ko para makipagkwetuhan.

The End.

Loko lang, haha! Anyway, natapos na rin yung event sa school namin. Nagliligpitan na yung mga students na involved sa event. Palabas na kami ng mga kaibigan ko sa quad nang makita ko si Mr.Bad Boy na nagliligpit ng drum set niya sa harapan ng building namin, at nilo-load niya sa kotse niya. Syempre medyo big deal na may sarili siyang kotse kasi third year high school palang kami nun. So pogi points na naman yun (hindi dahil may kotse sya…but yung fact na nagda-drive at nagdadala na sya ng car kahit 3rd year pa lang kami). Yung ibang classmates ko kasi, mga kabayo yung pinapark sa school eh, haha! Pero totoo yun, nagdadala talaga sila ng mga kabayo, kase malapit lang kami sa Wright Park.

Anyway, habang naglo-load sya ng mga gamit, may isang girl na lumapit sa kanya at tinutulungan siyang magload ng drum set nya. As in binuhat niya yung malalaking drums! Eh maliit lang si girl. Hindi naman siya pinigilan ni Mr.Bad Boy, pero nung natapos sila magload ng mga gamit niya, nag thank you lang si kuya sabay sakay sa kotse nya, haha! Feeling ko, nag expect si ate na mago-offer si Mr.Bad Boy na isabay or ihatid sya. Kaso nagpasalamat lang siya kay ate tapos umalis na. Popular yung girl sa campus namin pero di sya gaanong pinansin. Iba talaga si Mr. Badboy.

Ewan ko lang kung bakit kapag dumadaan si Mr. Bad Boy sa harapan ko, eh lagi siyang kumakanta. Feeling ko pinaparinig niya sa akin yun. Yung gusto niyang sabihin sa akin. Ewan ko lang baka feeling lang ako nun, haha! Assuming din katulad ng ibang mga girls, haha!

Pero kase naalala ko, may sinasabi ata siya sa classmate namin na naka-upo sa harapan ko na katabi niya, tapos hindi ko sila pinapansin kase busy akong nagsusulat sa binder notebook ko ng kung anu-ano. Mahilig kase talaga akong isulat thoughts ko sa papel kahit nung bata pa ako. Basta kung ano lang pumasok sa utak ko, sinusulat ko. Minsan tina-try kong i-draw pero di ako magaling magdrawing, haha! Anyway, may sinasabi yung seatmate niya sa akin pero di ko pinansin. Tapos nung nasa labas ako ng classroom, dumaan siya sa harapan ko sabay kumanta ng “Lonely, I am Mr. Lonely, I have nobody…” Siguro nga feeling ko lang yun.

Christmas Party sa school at excited na ang lahat para sa Monita Monito. Yung ibang mga classmates kong babae, nananalangin ata na sila ang Monita ni Mr. Bad Boy Transferee para may interaction siguro sila. Nakalimutan ko na kung sino ang Monito ko nun. Pero yung isang classmate naming lalaki, biglang pumasok sa classroom namin na may dalang malaking regalong, as in pang balikbayan box, so inisip namin na teddy bear na malaki ang laman nun at excited na kaming malaman kung sino ang Monita niya.

Natapos na ang exchange gifts, andun pa rin yung malaking balikbayan box na regalo. Sabay kinuha ni classmate, huminto siya sa harapan, sabay naglakad dahan dahan. Napansin ko na parang papalapit siya banda sa kinauupuan ko, at nagulat na lang ako na nilapag niya sa lamesa ko sabay hiyawan mga classmates namin. Speechless ako. Ano ‘to? May gusto siya sa akin? Hindi ako kumibo, di ko nga maalala kung nagpasalamat ako eh. Pero ang naalala ko napatingin ako kay Mr. Bad Boy, nagulat din siya. Yung mukha na, “ah may boyfriend na pala siya…”. Parang gusto kong i explain na hindi ko siya boyfriend pero bakit ako mag eexplain? Naguluhan ako sa sarili ko. Nanahimik ako sa upuan ko. Hindi makagalaw kahit ang ingay sa classroom sa kantyawan.

Kung curious kayo kung ano ang laman ng balikbayan gift box, mali ako, hindi siya isang malaking teddy bear, literal na balikbayan box, haha! Ang daming lotion, pabango, chocolates, damit.. dumating pala mommy niya galing ibang bansa, kinuha ata niya yung mga pasalubong ng nanay niya para sa mga kamag anak nila, haha! Pero infairness ang babango at ang gaganda naman ng mga pasalubong.

Dalawang linggo ang Christmas break sa school. Pagbalik namin ng January, parang excited akong pumasok sa school, hindi ko alam kung bakit. Basta naglu-look forward akong pumasok sa school. Oo na, medyo hinahanap ko rin si Mr. Bad Boy.

Flag ceremony na, wala pa rin. Magsisimula na ang first subject, wala pa rin. Absent ata.

Biglang may nagbukas ng pintuan ng classroom namin, si Mr. Bad Boy! Pumasok rin, late nga lang! Napangiti ako kase pumasok siya.

Hindi niya ako pinapansin the whole day. Hindi naman talaga kami nagpapansinan pero alam mo yung may mga konting sulyapan kayo? Yung nahuhuli mo siya na  patagong tumitingin sayo? Pero ngayon, as in wala. Parang iba. Parang hindi ako nag eexist sa mundo niya, o kahit sa classroom man lang namin? Medyo nalungkot ako.

Uwian na namin, niyaya siya ng isa naming classmate kase may konting inuman daw sa bahay nila at birthday niya daw. Nagpass siya at may susunduin daw siya sa town, yung girlfriend niya!

Parang nanlamig ako nun. Dalawang linggo lang, meron na agad girlfriend?

Nainis ako sa sarili ko. Sabi ko kase nagpakipot pa kase ako. Bakit kase sinusungitan ko siya…ayan tuloy. Kung kelan naman hindi ka na pinapansin, dun naman ako natataranta.

Mga two days din na nainis ako sa sarili ko.

Pero after ng dalawang araw, teka bakit ako maiinis sa sarili ko? Eh nagkagirlfriend siya, no big deal di ba? Naisip ko na baka naman may girlfriend na siya bago pa pumasok sa school namin? O di kaya nagkabalikan sila? O matagal na talagang nag eexist yung girl na yun? Nagpapakilig lang siya sa mga girls? Nagpapacute lang siya? Sanay na siyang ganun? Baka talagang malandi lang siya?

Lalo akong nagsungit sa kanya. Mas lalo ko siyang di pinansin.

Nagulat na lang ako nang tanungin ako bigla ng classmate namin na seatmate niya kung may date na ba daw ako sa prom. Hala, oo nga, malapit na pala ang prom! I asked kung bakit niya tinatanong, hindi pa man nagsisimula sentence niya bigla na lang tinakpan ni Mr. Bad Boy yung bibig niya! Nagulat ako. Nasabi ko na lang, “Anong nangyayare sa inyo?” Sabay umalis na ako.

Naglalakad ako sa quadrangle nang biglang may nagsalita sa school radio ng campus, “This song is dedicated to Ms Neri Naig…”. Boy band yung kumanta, di ko nga lang maalala yung kanta…pero kinilig ako habang naglalakad sa quadrangle. Feeling ko ako si Julia Roberts sa My Best Friend’s Wedding na kinakantahan ako kaya feel na feel ko yung paglalakad ko sa quadrangle namin. Alam ko na kung sino ang nagpatugtog nun!

Binagalan ko talagang maglakad para matapos ko yung buong kanta, feel na feel eh. Sabay nung natapos na yung kanta, biglang may nagsalita at nagpakilala sa speaker, iba ang boses! Ang naalala ko lang, si Batangueñong someone daw, nakalimutan ko talaga ang name niya. Bigla nga akong nairita sa song eh, kaya siguro di ko maalala kung ano yung dinedicate na song, sa sobrang asar ko, feeling ko yung kanta eh “Seasons in the sun”.

Hindi si Mr. Bad Boy Transferee yung nagdedicate ng song! Bakit siya yung ineexpect ko? Eh di ba mas asar ako sa kanya ngayon?

Bakit kaya ganun? Kapag di mo type yung gumagawa ng mga sweetness eh iritang irita ka? Hindi mo talaga na aappreciate? Pero kapag crush mo, sulyapan ka lang, sobrang saya mo na, eh paano kung ngitian ka pa? Eh di heaven na?

Anyway, malapit na nga ang prom, si Mr. Batangueño eh nagpadala ng letter sa classroom asking kung pwede ba daw kaming mag usap sa tapat ng simbahan kasi he will ask me something daw. Syempre alam ko na kung ano na nga yun. Hindi ko sinipot. Nakita ni Mr. Bad Boy na may binabasa akong letter. Dumaan lang siya sa harapan ko.

Senior high school pala si Mr. Batangueño.

So wala akong date nung prom kase nga may isa akong gustong ka-date nun.

Prom night na! Nagdecide kaming mga kaibigan ko na mag ayos sa bahay na malapit sa venue ng prom. Ang saya nung nagpe-prepare kami nun. May snack kami tapos may 90’s songs. Nagkakantahan kami at nagsasayawan kami nun habang nag aayos para sa prom. Kinulot ko yung hair ko, tapos nanghiram ako ng make up sa mga kaibigan ko at sinubukang mag make up. Ang saya saya namin dun sa room ng friend namin. Yung suot ko pala long black dress na spaghetti strap. Tapos nakalugay lang hair ko na medyo wavy na kase di nagstay yung pagkakulot ng buhok ko. Black strappy sandals at may maliit na black purse. Simple lang.

Sumakay na kami sa taxi papunta sa venue. Naalala ko yung song sa radio ng taxi, yung “So Young” ng The Corrs. Feel na feel namin yung song, feeling namin kami yun. Kinanta namin ng malakas yun sa loob ng taxi. Ang saya saya lang namin.

Pagdating namin sa venue. Pumunta na kami sa mga upuan namin. Nakita ko si Mr. Bad Boy, malapit siya kung saan kami nakaupo. Medyo sinisilip ko kung sino ang ka-date niya. May mga girls siyang katabi pero di ko alam kung sino ang ka-date niya dun o ka-date ba ng mga kaibigan niya. O baka dinala niya yung girlfriend niya? Pero ang alam ko bawal magdala ng outsider. Hindi ko alam.

Nagsimula na ang prom, as usual, magsasalita ng mahaba ang mga teachers, may mga rules pa, maraming pinagbabawal, nireremind ang mga students kung gaano lang pwede kalapit ang mga students pag magsasayaw, haha!

Pinatay na ang mga ilaw, binuksan lang yung nasa stage at sa gitna para madilim. Nagpatugtog na, may professional dj na kinuha ang student council. Halos lahat country songs yung pinapatugtog. Since nasa Baguio kami at yun talaga ang mga hilig nila dun na kanta. Hindi ko pa gaano naaappreciate yung ganung klaseng genre, unlike ngayon gustong gusto ko ng pakinggan. Iba trip kong kanta. Yung mga typical na songs na pang “T.G.I.S.” na theme songs nila Peachy at Wacks o nila Diane Villaruel at Ricky Salveron ng “GIMIK”. Yun kase ang ineexpect kong moments sa first prom ko.

So nakaupo lang ako at bored sa kinauupuan ko nang pagtingin ko sa harapan ko, papalapit si Mr. Bad Boy sa akin, napalunok ako, kinabahan, lumakas tibok ng puso ko, parang nag whistle pa yung lalamunan ko, basta tumunog din siya na parang upset tummy yung sound. Panay lunok ko ng laway. Hindi ko alam kung mag stay ako sa upuan ko o tatayo ako at tatakbo sa rest room para magcheck kung ano ang itsura ko, natense ako. Sa sobrang di ko alam ang gagawin ko, nakaupo lang ako tapos hindi gumalaw. Awkward upo at literal na hindi gumagalaw nun. Umaarte kunware wala akong pakialam pero alam ko awkward ang pagkakaupo ko.

Anyway, ang lapit na ni Mr. Bad Boy, syet! Wala akong bubble gum! Paano ako magsasalita? Sa kakalunok ko ng laway ko, baka mag amoy panis na laway hininga ko? Tapos ninenerbyos pa ako. Konting hakbang na lang at malapit na siya… sabay may nakita akong kamay sa mukha ko, nanggaling sa may gilid, sabay sabi, “May I dance with you?”.

Ang baba ng boses. Lalaking lalaki. Nagulat ako. Napatingin ako sa kamay. Mahaba, kayumanggi yung kulay, lalaking lalaki yung kulay. Sabay napatingin ako sa face kung sino yung nagsalita at kung kanino yung kamay na yun. Pagtingin ko sa kanya, sabi niya, “Hi, Ms. Neri, ako nga pala si Mr. Batangueño. sabay kinuha niya kamay ko at dinala sa dance floor.

Sumama naman ako. Pero habang hawak niya kamay ko, nakatingin ako kay Mr Bad Boy. Nakatayo lang siya dun sabay lumiko at may sinayaw na iba.

Asar na asar ako nun! Sayaw na eh, naging bato pa!

Kinumusta ako ni Mr. Batangueño. Pleasant looking naman siya. Matangkad. Naka smile siya. Ang dami dami niyang sinasabi, pero nakatingin ako kay Mr. Bad Boy habang may kasayaw siyang iba. Ang iniisip ko nun, ako dapat yun eh. Kami dapat dalawa yun.

So lalo akong naasar kay Mr. Batangueño. Hindi ko siya pinapansin. Pinapakita ko talaga na ayaw ko siyang kasayaw, I was just being nice sa kanya kase he asked nicely naman. Parang tagal na tagal akong matapos yung isang kanta.

Sa wakas! Natapos na rin! Hinatid niya ako sa upuan ko, sabay may inabot siyang long stem na red rose. It was a nice gesture and I said thank you. Pero hindi ko talaga type. Gusto kong itapon. Gusto kong ibigay sa iba.

Sabi ko, ruined na yung prom night ko. Wala na talagang chance na magkausap man lang kami. Kahit isang sayaw man lang.

Gusto ko na ngang umuwi nun agad agad sabay may narinig akong nagsalita sa harapan ko, “Hi, Neri!. Napatigil ako. Hindi ko muna tinignan kung sino yun. Siya nga ba yung nagsalita? Yung ineexpect ko? Yun nga ba yung boses niya? Nakalimutan ko na kase eh.

Pagtingin ko sa harapan ko, si Mr. Bad Boy Transferee!

Sabay nagsmile siya sa akin at tinanong niya ako kung gusto ko ba daw sumayaw. Ngumiti ako. Napatingin siya sa hawak kong rose. Gusto ko biglang itapon sa likod pero syempre nakakahiya naman sa nagbigay, kaya iniwan ko lang sa upuan ko.

Pagtayo ko, nagso-sorry siya kasi wala siyang dalang flowers for me. Wala akong pakialam kung may bulaklak siyang dala o wala, basta gusto kong makasayaw siya… siyang lang ang gusto kong kasayaw sa buong gabi.

Hindi naman niya ako binigo. Diredirecho yung sweet dance namin sa gitna ng dance floor. Parang walang ibang tao. Masaya lang. Naka tatlong songs na ata bago kami nag usap. I asked kung nasan girlfriend niya. Matagal na daw silang wala. Parang three weeks lang daw silang mag on. Napangiti ang puso ko nun. He asked kung sino daw yung nagbigay ng rose sa akin, sabi ko lang na fourth year high school yun at nakalimutan ko nga yung name.

Ang saya saya ng gabi ko. Kami lang ang magkapartner na nagsasayaw nung prom. Break time lang namin sa pagsasayaw kapag rest room o nauuhaw na yung isa sa amin. Pero ang saya saya na nagsasayaw kami kahit puro country songs yung pinapatugtog at di ako makarelate sa mga kanta. Parang lahat ng songs, nakakakilig na sa akin nun.

Nagulat na lang kami nang may biglang nagsalita sa gilid namin. Tinatanong pala ako kung pwede ba daw akong isayaw? Si Mr. Batangueño pala! Syempre ayaw ko na iba kasayaw ko nun di ba? Tumingin ako kay Mr. Bad Boy nun, nagtitigan kami, sabay sabi niya kay Mr. Bad Boy, may gusto lang akong sabihin sa kanya, gusto ko lang kausapin si Neri. Pero super nice yung pagkakasabi niya kaya binigay niya yung kamay ko kay Mr. Batangueño.

Lalo akong naasar.

Nakita niya yun. Sabi niya, “O teka kanina pa kase kayo, may gusto kase akong sabihin sayo.” Tinanong ko na lang kung ano yun para matapos na at makabalik na ako kay Mr. Bad Boy. Sinabi niya na mag ga-graduate na daw siya, hindi na daw niya ako makikita sa campus kase iba yung campus for college students. Gusto daw niya akong mas makita pa, nagpapa alam siya kung pwede ba daw ba umakyat ng ligaw sa bahay namin? Super nice ng pagkakasabi niya, sabay bigay niya ng bouquet ng red roses.

Nagpapaalam siya sa akin kung pwede ba daw bang manligaw.

I was so young nun at isa lang gusto ko nun. At ang alam ko hindi siya. I told him, may gusto akong iba. Sabay tingin sa upuan ni Mr. Bad Boy. Sinubukan nya naman na baka daw next year maiba na daw ihip ng hangin, baka pwede pa rin daw siyang manligaw, sabi ko talaga hindi ko makita sarili ko with him. Nagsorry ako. Pero nagpasalamat naman ako kase super nice naman niya sa akin at hindi siya nagalit sa pagiging honest ko.

Naintindihan naman niya. Kinuha niya yung left hand ko at hinatid niya ako kay Mr. Bad Boy at sinabi na lang niya na, “Please take care of her.” Sabay umalis na siya sa venue. Hindi ko alam kung umuwi na siya.

Buong gabi kami lang ang magkapartner. Hindi ko na maalala yung mga pinagkwentuhan namin basta naalala ko masaya kami nun lalong lalo na ako, haha!

Nagulat na lang kami kasi biglang tinawag yung mga pangalan namin sa stage. Nanalo pa kami na Mr. and Ms Prom Prince and Princess, haha!

Umakyat siya ng ligaw sa bahay namin. Nagpakilala siya sa nanay ko at sa mga kapatid ko. Lagi niya akong hinahatid sa bahay after school. Alam ko na maraming inis na inis sa akin noon kase bakit daw ako? Kase isang “nobody” lang naman ako sa school namin eh.

Sobrang saya. Sobrang nakakakilig.

Pero ang ikukuwento ko naman next time ay kung bakit hindi kami nagkatuluyan. May pumasok kasi na ibang character, haha! Tsaka masyado na rin yatang mahaba yung kwento ko ngayon. At ilang araw ko din ‘tong ginawa kase mahirap pagsabayin ang pagtype sa laptop at paglatch kay Miggy. Mga nakaw na mga sandali lang ang pagta-type ko dito.

Pagpapatuloy ko na lang ulit next time yung karugtong ng kwento ko, haha!

-NM

16491325_120300001941507255_398517223_o

My friends in high school. Pasensya na napakalabo na kase de film palang ng mga panahon na yan, haha!

Kaya pala nawawalan na ng gana

Napadede ko na at napatulog ko na rin si Miggy. Natutulog na rin ang asawa ko pero di ko pinadede, haha! Niyakap ko asawa ko habang natutulog. Sarap sarap! Mainit init yung katawan nya, mas masarap yakapin kase medyo giniginaw ako at kagagaling ko lang din sa sakit.

Naisip ko habang yakap siya kung bakit nasasabi ng iba na kapag may anak na daw, mawawalan din daw sweetness nyong mag asawa, sa umpisa lang daw sweet sweetan. Kapag nanganak na daw si misis at puyat na kayong mag asawa, magkaka inisan kayo at mag aaway na. Kase nga puyat at pagod.

Alam mo, totoo siya.

Pero di naman kami nag aaway ni Chito. Pero alam mong hindi imposibleng mangyare yun. Kase pag sobrang puyat at pagod nyo sa kaka alaga kay baby, haaaay, puputok ka talaga eh. Kahit sa simpleng bagay lang.

Buti na lang talaga matyaga ang asawa ko at maalaga. Kahit puyat from work, inaalagaan nya kami ni Miggy. Nung kapapanganak ko lang, ayaw nya talaga ako nagkikilos. Kahit hanggang ngayon na mag iisang buwan na si Miggy, ayaw nya pa rin akong nagkikilos, naiinis siya sa akin kase matigas ulo ko. Naglilinis na ako, nagbebake na ako, nagluluto na ako, naglaba pa nga ako at dun ako nagkasakit after. Kaya inis na inis sa akin asawa ko, hehe! Pero damit ni Miggy yung nilabahan ko, hindi damit naming mag asawa ha? Pero medyo madami rin kase ilang beses magpalit ang baby pala sa isang araw, grabe! Haha!

Pero nung kami lang ni Chito ang nag aalaga kay Miggy at yung isang friend namin, anytime puputok na rin kami, pero pinipigilan namin kase mas makakadagdag stress at hindi talaga makakatulong sa amin lalo na nagkaron agad ng emergency. Grabe talaga ang pagod at puyat namin nun. Kase nga akala namin ni Chito na kaya na namin, na hindi na namin kailangan yung mga nanay namin, mali pala kami. Laking tulong nung nagtake over na mga nanay namin, haha! Nakakatulog na kami at di na kami aligaga at mainit ang ulo dahil sa pagod at puyat.

Siguro nagkaron kami ng sistema kaya mas parang dumali yung pag aalaga kay Miggy. Tama nga ang sabi ng lahat, sabayan nyong matulog ang baby. Yung una kase hirap ako, gusto ko nakabantay ako kahit tulog si baby, natatakot akong iwanan na walang gising sa aming lahat pero normal lang na mafeel mo yung takot. Eventually, makikita mo rin na ok lang din palang sabayan matulog si baby.

Hindi din tama na lahat kayo gising at nag aalaga sa baby. Kami kase salitan. Pero syempre kapag ikaw ang nanay, mas konti lang pahinga mo, nasa sayo yung pampatulog eh, ang mahiwagang dede, haha! Sobrang powerful niya na kahit hindi gutom si Miggy, basta nakasupsop lang dede ko sa kanya, tulog na agad siya. Or ginagawa niyang unan dede ng nanay nya, haha!

Dapat ang mga tagabantay kung may pagkakataong matulog, matulog lang. Mahirap kapag puyat lahat. Dun magka-clash mga tao, pagod at puyat tapos minsan makakalimutan pang kumain, e di samahan mo pa ng gutom. Ang nagpapabreast feed, grabe ang pagod, uhaw, at gutom pagkatapos maglatch ng baby. Kaya sobrang alalay din sa mommy.

Hindi kaya madaling magpadede. Hay naku. napakasakit nung mga unang araw! Parang minamartilyo nipples ko. Sugat sugat talaga at may dugo ng lumalabas. Para kang lalagnatin. Mas nasaktan pa ako sa pagdedede kaysa sa panganganak kay Miggy!

Dapat rin naka ayos lahat ng mga gamit ni baby. Para hindi maka aksay ng oras kakahanap. Ako nagpagawa ng baby drawer, mahal kase sa mall eh. P8k lang bayad ko kasama na pintura at delivery, hehe!

15608678_120300001210818428_82047731_o

Sa top nakalagay yung pag pump ko, minsan ko lang gamitin kase sa bahay lang naman ako palagi, gusto ko latch ng latch si Miggy para mas magstimulate pa at mas dumami pa ang milk ko. As much as possible talaga kung kaya hanggang isang tao ang milk supply ko, much better kay baby. Pero kung sobra sobra hanggang dalawang taon, e di mas maigi. Andyan din mga alcohol, thermometer, bulak at mineral water pang hugas ng nipples ko bago maglatch si baby. Baby books, at notebook para kay Miggy. Nakarecord kase kung anong oras siya pumupu, nagwiwi, yung body temperature na, at kung kelan sya dumede. Lahat nakarecord yan.

Yung nasa loob ng drawer, yung mga sana ilalim na drawer, mga diapers at baby wipes nakalagay diyan para di nakakalat. Malinis tingnan. Pero pag nagkababy ka na, naku, lagi rin makalat, haha! Yung tatlong medyo maliliit na drawer sa taas, mga damit ni Miggy yun pero naglagay pa ako ng mga container para di exposed yung mga damit ng anak ko. Nilagyan ko na lang ng mga label para mas madali hanapin at hindi nakabuyangyang.

15631469_120300001204886531_1595253411_o

Segurista si Mommy Neri no? Haha! I am sure mas malala pa kayo sa akin, haha!

Dapat din kumakain kayo sa tamang oras sana. Kung walang taga luto sa inyo, pwede siguro, magluto na lang ng isang gabi si daddy o si mommy ng pang isnag linggong ulam habang yung isa nagbabantay kay baby.

Ako kase pinagbabawalan pa ako na kumilos ng asawa ko, nakakaluto luto pa rin ako kahit papaano saka nakakapag bake kapag tulog mister ko, haha! Pero andyan ang mommy ko na nagluluto sa amin, sarap sarap ng mga niluluto! Tapos dumating pa mom in law ko, naku ang daming tumutulong sa amin!

Wala kase kaming yaya for Miggy. Gusto ko kase hands on sa kanya. Buti na lang, andito yung best friend kong isa, si Mace, saka yung mga nanay namin ni Chito. Mommy ko ang naglalaba ng mga damit talaga ni Miggy, ang bango bango pag nanay ko ang maglaba eh. Don’t worry yung detergent na gamit ng nanay ko, binili ko talaga pang baby.

So far yun lang ang nakikita kong kailangang gawin. Ang pinaka importante talaga, rest rest rest! Iba talaga kapag well rested ka. Iba ang aura, positive ka palagi, nakakasmile ka, masaya kang nag aalaga. Mas maeenjoy mo ang pagiging isang ina kapag nakapahinga ka.

Kaya mga daddies, hindi po biro ang pag aalaga ng babies. Ang pagbubuntis nga ng more than NINE MONTHS eh mahirap na, panganganak pa, pagdedede pa, tapos ang puyat at pagod sa pag aalaga pa? Naku! Lahat kay mommy yun! Kaya alagaan si mommy para mas madaling alagaan si baby at para mas maaliwalas at mas masaya ang bahay nyo.

Yun lang po. Bow. Hehe!

-NM

“Napaka impossible naman na di kayo nag aaway ni Chito! Ano kayo perfect?!”

Marami ang nagtatanong sa amin ni Chito kung nag aaway ba daw kami? Kase parang impossible daw na lagi kaming sweet sa isa’t isa. Impossible daw na “perfect” lagi yung samahan namin ng asawa ko.

First of all, hindi perfect ang relationship namin, malayong malayo. Ginagawa lang namin na laging masaya ang buhay namin. Ang relationships naman ay dapat pinagtatrabahuan eh. Alangang mag demand ka na dapat ang partner mo ay maging sweet sayo all the time pero ikaw naman eh hindi sweet sa kanya, lagi ka pa nakasimangot at nagbubunganga. Weird naman nun di ba?

Hindi lang kami nagpopost ng mga nakakabad vibes sa amin. Siguro yung iba sanay na magrant sa social media kapag galit sila sa mga asawa nila. Post dito post doon. Sasabihin kung gaano kasama mga partners nila kapag nagkakaroon sila ng hindi pagkakaunawaan. Hindi lang kami ganun ni Chito. Marami kaming mga flaws ni Chito pero mas pinipili namin na makita yung mga magagandang katangian ng isa’t isa. Everyday mas inaappreciate namin ang isa’t isa at kung ano ang meron kami ngayon. Mas nakakagaan ng araw yun, mas nakaka happy. Saka yung mga flaws namin, minsan matatawa na lang kami kapag umatake yung katangian na kinaiinisan namin sa isa’t isa. Kase para sa amin, napakababaw naman kung pati ang maliliit na bagay eh kailangan palakihiin kase iritable ka lang sa kanya.

Pero kagabi nag-clash kami ni Chito. Nagkapikunan.

Ano ang dahilan? Stressed sa trabaho.

Hindi kami nag away. Nagkapikunan lang. Kung tatanungin nyo kung nagsisigawan kami? NEVER.

Never kami nagsigawan since 2010 na nagkakilala kami at nagkadevelopan.

Never niya akong sinigawan. Unang una palang na naging kami, sinabihan ko siya na ayaw ko na nagsisigawan. Buong buhay ko kase nakita ko na yan sa bahay namin. Laging nag aaway parents ko, laging may sigawan na ang goal ata nila eh marinig ng kabilang baryo yung mga murahan at masasakit na salita nila para sa isa’t isa. Nagkakasakitan sila, physically, emotionally, at mentally. At sa harapan pa ng mga anak nila. Can you imagine kung gaano nakakatrauma sa mga bata yun?

Ganun ang nakagisnan kong buhay. Pag dumarating na tatay ko galing ibang bansa, lagi siyang wala sa bahay kase mas gusto niyang nakatambay kasama ng mga kaibigan niya, tapos pag uuwi pa siya sa bahay, mag aaway pa sila ng nanay ko. Ni minsan wala kaming family day pag umuuwi siya sa bahay namin, Makikikain lang siya at makikitulog sa bahay tapos ang kasama niya the whole bakasyon niya, yung mga kaibigan niya lang. Ni minsan di niya kami nilabas na buo ang pamilya namin, kahit man lang sa Sam’s Pizza or Cindy’s. Wala pa kasing Jollibee o McDonald’s noon sa Subic. Laging kami kami lang magkakapatid at ang nanay ko kaya pati family picture hindi siya sumasama.

Anyway, ayan yung nakagisnan ko noon. Mas pinili kong maging masaya kaysa magmukmok ako dahil ganun ang environment ko paglaki. Mas pinili kong gawing ‘colorful’ yung mga di magagandang nangayayare sa buhay ko. May choice naman ako kung paano ko i-handle yung mga ganung sitwasyon.

Kaya noong nagsisimula palang kami ni Chito, sinabihan ko na siya na ayaw kong nagsisigawan, ayaw kong sinisigawan ako. Medyo kase iba yung temper ni Chito nung bago palang kaming magkakilala. Sanay daw syang ganun na kailangan niyang ilabas yung emotions niya kase nga artist siya. Ako naman kase kailangan kong kalmahin yung sarili ko muna bago makipag usap, kase sa lahat ng ayaw ko yung walang katapusang argument, nakakastress yun. Kase wala isa sa inyo ang magbibigayan kapag nag-clash na kayo at kunwareng gusto niyong ayusin yung problema. Kase pareho niyong i-popoint out na mali yung kausap nyo at kayo lang ang tama. Walang patutunguhan ang usapan, away lang yan. Kaya lagi lang akong tumatahimik pag may ganung sitwasyon.

Kung pareho kaming laging galit at ma-pride, I don’t think tatagal kami ng ganito. At kung kami pa until now, I don’t think na masaya talaga kami sa buhay. Siguro may mga happy moments. Pero baka kapag kasama ko mga kaibigan ko at kasama niya mga kaibigan niya, puro mga reklamo yung sasabihin namin tungkol sa isa’t isa. Ang lungkot di ba?

Anyway, balik tayo kung ano ba ang nangyare kagabi. Stressed siya, stressed ako. Pero hindi kami stressed sa isa’t isa kundi sa trabaho niya, ako naman sa small business ko. Hindi ko na i-eelaborate kung ano kina ‘sstressan’ namin sa mga trabaho namin syempre ibang mundo naman yun. Kumbaga hindi na ako dapat nakikialam sa trabaho niya, at siya rin naman, hindi nakikialam sa small business ko. Nagsusuportahan lang kami.

Mainit na ulo niya. Mainit na rin ulo ko. Pero hindi kami magka away. Nagkukwentuhan lang kami tungkol sa mga kinasstressan namin. So bale nadadagdagan yung stress level namin. Nagkukwento ako, syempre mas madadagdagan yung pagiging iritable niya kase bakit nga ganun ang ginagawa nung taong kinukwento ko. Nagbigay ako ng opinyon tungkol sa isang ginagawa niya na hindi ko rin naman alam na nasstress na pala sya dun tapos sinabi ko na di talaga maganda. I was just being honest. Pero yung mali ko dun, sinabi ko lang nang basta basta, walang lambing na tono or nahihiyang sabihin na tono. Basta lang sinabi ko na hindi maganda. Actually, ang sabi ko, “Ang pangit naman!” Walang pasintabi, bara bara ko lang sinabi.

Hindi naman ako ganun sa kanya. Siguro dala lang din ng hindi kagandahan ang araw ko. Nagkapatong patong. Ang dami ko din kasing inaasikaso tapos maraming mali mali sa tabi. Ayaw ko pa naman kapag binibigyan ko ng instructions ang iba tapos iba ang gagawin. Naiirita talaga ako. Kaya nagtatago lang ako sa kwarto.

Tapos tumawag pa ako sa isa sa mga bestfriends ko, nagulat na lang ako at umiiyak. Yun pala, namumublema na naman siya sa pamilya niya. Kesyo di siya tinutulungan na maglinis ng bahay na pinapagawa niya tapos puro kalat pa nila yung nililigpit ng kaibigan ko. Samantalang sila, nasa galaan. Lalong nadagdagan yung inis ko.

Saan kami nag-clash? Matatawa ka kung saan. Napakaaaaaa liit na bagay. Pumutok na lang kami.

Nang dahil sa t-shirt.

Nagwalking kase kami kahapon. Tapos nung naihatid na niya ako pabalik sa bahay, nag bike pa siya. So alam nyo na na pawis na pawis na siya. Pagkauwi niya, direcho siya sa mancave niya sa baba at nagplaystation. Umakyat pagkatapos niyang maglaro. Nagtelepono. Sinabihan ko siya na magpalit na ng shirt kase amoy pawis na. Ok daw. Tapos nakalimuan niyang magpalit at bumaba pa siya sa dining area para kumain. Umakyat ulit. Nagwork saglit, tawag dito tawag doon at ako naman may mga kausap din, maraming inaasikaso. Nag rest room ako, sinabi ko na may dumi yung sahig na parang putik. I asked him kung sa sapatos niya ba yun kase bawaaaaaaaaaal sa akin na ipasok ang mga sapatos sa banyo ko, naglagay na nga ako ng slippers pang banyo para malinis lagi yung sahig. Tapos nakabukas yung bintana ko at di naka on yung alarm ng bintana.

So sinasabi ko sa kanya yun isa isa sa banyo tapos naamoy ko siya na amoy natuyuang pawis. Syempre bilang buntis, napaka sensitive ng pang amoy ko at sinabi ko na lang sa kanya na may konting pagkakairita, “Ang baho ng t-shirt mo! Amoy pawis! Kanina pa kita sinasabihan na magpalit!”

Ayun. Pumutok na rin siya.

Nasabi na lang niya na sa baba muna siya, meaning sa mancave niya muna daw. Akyat na lang daw siya kapag di na daw mainit ulo ko. Puro daw ako reklamo. Pero iritable yung pagkakasabi niya.

Nagulat ako.

Inisip ko, nagiging nagger na ba ako sa asawa ko?

Tumahimik ako at pumunta sa kama. Ininom ko na lang yung mga vitamins ko habang nag iisip.

Sumunod si Chito sa akin sa bed. Sabi niya tabihan ko na lang daw siya para daw lumamig ulo ko. Iniisip ko, hindi ko naman siya inaaway ah. Nagpuna lang ako. Pero nakaupo lang ako sa bed at nag aanalyze kung saan ba nagsimula, kung bakit kami naman yung nag-clash.

Humiga na ako sa bed. Niyakap niya ako. Sinabi niya na sorry baby. Tinatanong niya kung galit ba daw ako sa kanya. Sinabi ko hindi. Hindi naman talaga ako galit sa kanya. Hindi lang maganda yung araw ko, pati siya hindi rin maganda ang araw niya dahil sa trabaho. Kinakalma ko lang kase sarili ko at syempre buntis ako, ayaw kong makasagap ng bad vibes ang anak ko.

Nakatulog ako. Maaga akong nakatulog.

Nagising ako ng mga past 4 am. Niyakap ko siya at pinaghahalikan sa pisngi habang tulog. Niyakap ko ng mahigpit. At binulong ko sa kanya kung gaano ko siya kamahal. Kahit tulog siya ganun kase ang ginagawa ko pagkagising ko lagi. Niyayakap at hinahalikan sabay binubulong kung gaano ko siya kamahal. At dun ako nagpapasalamat kay God sa lahat lahat ng blessings naming mag asawa.

Pumunta ako sa banyo, malinis na yung sahig, naka sarado na rin yung mga bintana. Naka on na rin yung alarm. Maayos na ang banyo ko.

Bumalik ako sa kama, uminom ng water ko tapos may nakita akong letter sa side table ko. Dalawang pahina yung sulat. Binasa ko.

14442747_120300000275432231_1715378736_n

Inexplain naman niya sa akin kung bakit bigla na lang siya pumutok din. Na explain niya ng maayos sa first page ng letter. Sinabi rin niya sa unang pahina na hindi man lang kami nakapadasal ng sabay. Kase yun talaga yung nilu-look forward namin bago matulog, ang magbigay pasalamat kay Lord. Kaso nga nakatulog ako at di rin maganda pakiramdam ko.

Mas gusto ko talaga yung isusulat na lang yung explanations kaysa sa mag usap while medyo mainit pa yung nangyare. Mas maeexplain mo ng maigi at kalmado ka na. Mas peaceful. Mas madaling magpakumbaba sa parehong side. At maaalala mo kung gaano nyo kamahal ang isa’t isa. At matatawa na lang kayo pagkatapos, magugulat na lang na sa napakaliit na bagay dun pa may argument, haha!

Pareho kaming talo kung magpapa apekto kami sa maliliit na bagay. Sa dinami dami na naming pinagdaanang bagyo, nang dahil lang ba sa shirt dun na bibigay? Dun pa iinit ulo namin? Nagkataon lang napagod kami sa mga trabaho namin tapos buntis pa ako, iba rin kase temper ng buntis.

Si Chito kapag mag sosorry sa akin, asahan mo kinabukasan may mga letters na sa tabi ng mesa ko, o nakasabit sa pintuan ng banyo o sa salamin ng banyo ko. Marunong naman siyang magpakumbaba. Ako naman kapag nagsosorry sa kanya, yayakapin ko agad siya bigla at mangangako na di na mauulit. Alam ko curious ka kung ano ang nagiging kasalanan ko sa asawa ko, yung makakalmot ng pusa yung sofa namin or  didikit yung napakakapal na balahibo ng mga pusa ko at hindi ko agad nakita at navacuum. Yes, yun ang kinaiinisan ng asawa ko sa akin before. Pero kapag sinabi ko na hindi mauulit, asahan mo hindi na talaga nauulit. Gusto ko lagi lang ako good girl sa asawa ko para lagi niya akong baby, hehe!

So ayun, haha! Nagka-clash naman kami ng asawa ko sa mga maliliit na bagay pero di naman aabot sa awayan. Napag uusapan naman after. Saka ang lagi naming inaalala kung gaano namin kamahal ang isa’t isa. Tapos na ang usapan dun. Magsosorry na kami sa isa’t isa kung bakit ganun inasal namin. Napakapowerful ng TRUE LOVE. Naaayos lahat. Masaya lagi.

Hindi lang talaga namin gawain yung makipag away, makipag bangayan, tapos magpaparinig sa Facebook o sa Instagram. Ano ba ang purpose nun? Para ipahiya yung partner mo? Para magalit sa kanya yung mga makakabasa? Para sabihin sa lahat ng kakilala mo kung gaano kapalpak na partner meron ka?

Hindi ba nagrereflect yun sayo?

Kung gaano mo sabihin sa mga tao kung gaano kapalpak yung partner mo, mas palpak ka pa. Turo ka ng turo sa mga kapalpakan ng partner mo pero yung kapalpakan mo, hindi mo nakikita? Kung may hindi kayo pagkakaunawaan, hindi naman siguro yung isa lang ang may mali, di ba? Pareho kayong may mali kaya nga humantong sa awayan na eh.

Pero syempre may mga ibang tao na mas pinipili yung mga ganyang klaseng drama sa buhay. Kaya ako kapag may nakikita ako na nakakabad vibes na pinopost sa Facebook or sa Instagram, unfriend ko. Bawal ang bad vibes sa buhay namin. Sa kanila na lang yun, haha! Wag na nila i-share sa amin.

Masaya ang nagmamahalan. Kung nakagisnan ko ay hindi masayang pamilya noong bata ako, hindi naman ibig sabihin ay ganun din ang mangyayare sa akin ngayon. May choice ako na baguhin yun. Hindi ko sinisisi yung mga tao sa environment ko at sa mga nangyare sa akin noon. Ginawa kong inspirasyon yung napaka gulong mundo noon. Inspirasyon na hinding hindi ko gagawin sa asawa ko at mga anak ko kung ano ang mga nakita ko noong bata pa ako. Bibigyan ko ng halaga, atensyon, at maraming pagmamahal ang pamilya ko.

Isa sa mga winiwish ko nung bata pa ako kapag birthday ko ay magkaroon ng isang masayang pamilya. Kumpleto, nagmamahalan, at tunay na masayang pamilya. Natutupad na ang wish ko, malapit na kaming mabuo, isang masaya at nagmamahalang pamilya.

Ang mga ganitong bagay, kung titingnan mo, parang napakasimple lang. Pero pinagtatrabahuan para magwork lagi. At kung nagmamahalan kayo, walang impossible at walang mahirap kahit ano pa ang unos na dumating sa inyong buhay.

-NM

 

Ang malandi kong boyfriend….

“I remember when you couldn’t wait to love me, used to hate to leave me….

It used to be so natural, to talk about forever. But used-to-bes don’t count anymore, they just lay on the floor till we sweep them away….

And baby I remember all the things you taught me, I learned how to laugh and I learned how to cry. Well, I learned how to love and I learned how to lie. So you think I could learn how to tell you goodbye….”

Haaaaaay. Napakasad ng song na ‘to. Tagos sa puso!

Ang dami ko kasing narereceive na messages tungkol sa love, asking for advice.

Hindi naman ako expert sa love, and hindi ko din alam kung bakit, pero ako ang madalas nilalapitan kahit ng mga kaibigan ko pagdating sa mga ganyang problema.

Kapag humihingi ng advice ang mga kaibigan ko, hindi ko shinu-sugar coat ang mga sasabihin ko. Halimbawa, nag away sila ng boyfriend o asawa nila, kapag yung friend ko ang may mali, papagalitan ko talaga yung friend ko. Hindi ko talaga kakampihan kahit siya ang kaibigan ko pero hindi ko naman siya ilalaglag sa partner niya. Kaya siguro minsan takot silang magsabi sa akin ng mga “problema” nila.

Minsan, mas maganda daw na makinig na lang daw sa mga hinaing, reklamo, at problema nila sa buhay. Pero ang sa akin naman, kung tunay kang kaibigan, hindi ba dapat pangaralan mo kapag mali na? I-guide mo sa tama. Pero kahit ilang beses mo naman silang bigyan ng advice, nasa kanila pa rin naman yung desisyon kung ano ang susundin nila at gagawin nila. Kumbaga, pinaparamdam ko sa kanila na andito lang ako para sa kanila.

Anyway, may nagmessage sa akin na isang follower ko sa Instagram. Sooobrang haba ng kwento nya pero syempre nag enjoy naman ako basahin kasi mahilig din ako magbasa ng mga kwento nyo hehe! May boyfriend daw siya for three years. Live in sila sa isang maliit na apartment at ok naman daw lahat. Kaso nagkaron daw ng problema: biglang nagparamdam yung ex girlfriend ni boyfriend kaya naiba ang ikot ng love story nila.

Alam naman daw niya na nangungumusta minsan si ex girlfriend kay boyfriend. Sinasabi naman ni boyfriend yun sa kanya. Ok lang naman sa kanya kase naging kaibigan naman ni boyfriend si ex girlfriend. Wala namang kaso sa kanya yun at hindi naman siya selosa. Kaso may hindi magandang nangyare sa pamilya ni girlfriend.

Teka. Para hindi mahirap magkwento, pangalanan nalang natin si girlfriend bilang Angela. Hindi niya ito tunay na pangalan. Baka magalit siya sa akin kung sabihin ko yung totoong name nya hahahaha!

Anyway, namatay daw yung tatay ni Angela kaya kinailangan niyang umuwi sa probinsya. Dapat mga two weeks lang daw siya dun, kaso yung two weeks naging two months. Ang dami kase niya daw inayos na problema sa probinsya. Siya lang daw kase ang inaasahan at lahat nakadepende sa kanya.

Bumisita naman daw si boyfriend sa kanya. Tawagin nalang natin siyang Boyfie para mas nakakaasar hahaha! Anyway, mga tatlong araw lang daw nagstay si Boyfie sa probinsya nila Angela kase hindi eto pwedeng mag absent ng matagal sa trabaho niya.

After two months, bumalik na sa Manila si Angela. Normal naman daw lahat nung bumalik siya. Parang walang pinagbago sa samahan nila.

Hanggang sa may natuklasan si Angela sa may labahan.

May nakita siyang maliit na sando na kulay beige. Kinuha niya eto at inamoy. Amoy pabango ng babae. Tinignan niya yung itsura ng sando. Hindi mahilig magsando si Angela at sigurado siyang hindi sa kanya yun kase medyo chubby daw siya, at ang size ng beige na sando…extra small!

Hinintay niyang umuwi si Boyfie. Medyo late daw nakauwi si Boyfie. Hindi nagsalita si Angela. Pinaghainan niya pa ng dinner si Boyfie at pinagmamasdan. Mukha namang daw hindi nakakahalata yung isa.

Hindi na napigilan ni Angela na itanong kung kanino yung beige sando na nasa laundy. Sa kapatid niya daw na babae. Nakitulog daw nung isang araw. Tapos kumain na lang daw ulit si Boyfie at hindi na daw nagsalita.

Feeling ni Angela nagsisinungaling si Boyfie pero hinayaan na lang muna niya. Kase kutob pa lang naman daw at isang beige na sando, hindi pa nahuhuli sa akto.

Hinayaan nya daw kunware si Boyfie pero sa totoo nag imbestiga na siya.

Lagi daw dala ni Boyfie yung phone niya kahit sa banyo! One time, nagtutulug tulugan si Angela, kaya binuksan ni Boyfie young phone niya at nakita daw ni Angela yung code ng phone niya at minemorize daw niya ‘to. Hahaha! Tapos may nabasa siyang sweet messages sa screen, nagreply naman daw ang gago ng “Good night, I miss you too, can’t wait to see you tomorrow! Sorry, di tayo masyadong nagtagal kase nandito na si Angela. Nanggigigil pa man din ako sayo ngayon!”

Gusto daw kunin ni Angela yung phone at itapon sa mukha ni Boyfie at mura murahin. Gustong magwala ni Angela. Gusto niyang gerahin yung kausap ni Boyfie sa phone. Pero wala daw siyang nagawa kundi magtutulug tulugan na lang. Binaba na ni Boyfie yung phone sabay yakap daw kay Angela. Ang saklap no?

Inalam ni Angela kung sino yung katext ni Boyfie habang tulog sya. Since namemorize daw niya yung code sa phone ni Boyfie, nabuksan niya eto. Iba daw yung pangalan na nakasulat! Pangalan ng lalake! Chineck niya daw sa viber contacts yung phone number at nakita daw ni Angela yung photo ng babae.

Ay sus! Si ex girlfriend!

Tawagin nalang natin na Sadako si ex girlfriend hahaha! Demonyita sana pero ang haba masyado.

imgres

Di daw talaga maintindihan ni Angela kung bakit. Matagal na silang break. At saka nagloko pa daw itong si Sadako nung sila pa ni Boyfie. At nakailang boyfriends na rin daw tong si Sadako after Boyfie.

Ang landi lang talaga nitong si Sadako. Haaaay.

Kinausap daw ni Angela si Boyfie. Una medyo dinedeny pa daw niya pero nung nakita niyang umiiyak na si Angela, inamin na rin daw niya lahat (o medyo lahat). Sabi ni Boyfie, wala lang daw yun. Pinagtitripan lang daw niya si Sadako. Kumbaga, chini-chicks niya lang daw yun! Normal lang daw yun sa mga lalake.

Gulong gulo daw si Angela. Mahal na mahal niya daw si Boyfie pero tama bang magstay pa siya at tanggapin niya lahat ng mga paliwanag at kasinungalingan ni Boyfie? Hanggang kailan ba daw siya magtitiis? Nag iba na rin daw ang pagsasama nila. Hindi na daw masaya si Angela kase araw araw siyang nasasaktan pero bakit ang hirap daw umalis at iwanan si Boyfie? Tanga ba daw talaga siya o sadyang nagpapakatanga lang? Gusto niyang gumanti at saktan si Boyfie para malaman ni Boyfie kung gaano kasakit yung naramdaman nya. Ano ba daw ba ang gagawin niya?

Nagmamahal,

Angela

Hi Angela!

Ano ba daw kase ang “normal” sa isang relationship? Mahirap din kase magsalita para sa lahat eh.

Alam ko din kase na kapag na in love ka, yun na yun eh. May mga bagay bagay tayong hindi nagagawa dati na handa nating gawin para sa taong pinakamamahal natin. At minsan nagpapakagago at nagpapakatanga tayo para sa kanila.

Ayun din ang feeling ko na normal dati, ang magpakagago at magpakatanga para sa taong mahal ko. Haaaaay.

Mahirap yan kapag may mga nanggugulo sa inyo. Nung bagong boyfriend ko pa lang si Chito, napakaraming “Sadako” sa tabi tabi, haha! Madalas sinisiraan pa nga ako para lang magalit si Chito sa akin. Hindi ko naman pinapansin. Minsan may mga tatawag na lang kay Chito ng mga alanganing oras na alam mo namang nananadya. Hindi ko pa rin pinatulan. Marami akong karanasan sa mga “Sadako”. Minsan naijo-joke ko na lang na sa sobrang bait at pasensyosa ko, eh dapat magtayo na sila ng rebulto ko sa harapan ng bahay ni Chito! Hahaha!

Minsan nga may pumunta pa sa bahay ni Chito tapos nagspray ata ng pabango sa mga unan ni Chito. At napapansin ko din na nauubos yung mga shampoo at moisturizers ko kase yun pala ginagamit ng lola mo, haha! At ang nakakatawa pa niyan, dinisplay niya pa nya yung napakalaki niyang picture na naka frame sa kwarto ni Chito. Hindi ko alam kung matatakot ba ako o matatawa na lang sa kahibangan niya. Hindi ko rin pinatulan.

Dati naman may nag-iwan ng brown lipstick at hikaw na napakahaba, pero walang tatalo dun sa nag-iwan ng sanitary napkin. Alam mo yung nananadya na talaga? Parang gustong sabihin sa akin na, “hoy, andito ako kanina, wag kang magfeeling dyan!”.

Hindi ko talaga pinapatulan yung mga ganung klaseng babae. Hindi kase ako nakikipag away dahil sa lalaki. Marami naman dyan eh. Bakit ako makikipag away dahil lang sa isang lalaki, eh di sayo na lang siya, di ba? Ganun ang attitude ko. Basta ang alam ko, kapag naging girlfriend ako, maswerte yung lalaki kase grabe naman akong magmahal at mag alaga. Dun ako proud sa sarili ko. Hindi ako hassle na girlfriend at hindi ako nagiging problema.

Marami pang mga pambubully na ginawa sa akin nung mga “Sadako” sa paligid namin ni Chito. Pang teleserye yung mga pinag gagawa nila, ay grabe talaga! Ibang level. Ibang klase. Ayaw ko na lang din isa isahin kase tinatamad na akong ikwento yun, haha! Ang mahalaga ay andito pa rin kami ni Chito, masayang nagsasama. Hindi ko alam kung masaya ang mga buhay ng mga mean sa akin dati kase hindi ko rin naman chinecheck ang buhay nila. Masyado akong busy at masaya sa buhay. Pero malamang binabasa nila etong blog ko, HELLO! Hehe!

Anyway, balik tayo kay Angela. Naitanong mo ba kay Boyfie kung saan ka nagkulang? Minsan kase akala natin ok ang lahat pero hindi naman pala. Try mo siyang kausapin nang mahinahon. Dapat kalmado kayong pareho para mabigyan nyo ng solusyon yung mga problema nyo. Mahirap magkaintindihan kapag parehong galit at parehong mapride.

Bawal ang mapride sa relationship kung gusto mong magtagal kayo. Meron at meron talagang magpapakumbaba. Hindi pwedeng dominante kayong pareho. Pero know your value. Hindi ibig sabihn na inalis mo ang iyong pride ay hahayaan mo ng bastusin ka niya. NO. Alam mo dapat yan, matanda ka na.

Kung sinaktan ka ni Boyfie, tama bang gantihan mo rin siya? Nagegets ko yung sakit at galit na nararamdaman mo pero ganun ka bang klaseng tao? Na kapag nasaktan ng iba, gagantihan mo rin para patas na kayo at kalimutan na nagkasakitan? Ganun ba yung gusto mo? Ganun ka ba talaga?

Kung sinaktan ka niya, wag kang gumanti. Baka pwedeng intentional ka nyang sinasaktan o sadyang bobo lang siya at di naiisip na masasaktan ka niya sa mga kalokohan nya. Gantihan mo ng kabutihan. Kung ayaw mo pang umalis sa relationship nyo, pagsilbihan mo siya. Ipakita mo sa kanya kung ano ang mawawala sa kanya kapag magsawa ka na sa pagiging martyr. Wag mong gawing kawawa ang itsura mo. Lumaban ka. Hindi yung susugurin mo yung babae at aawayin mo si lalaki tapos andun ka pa rin sa bahay ni lalaki. Gulo mo di ba? Not unless, trip mo yang mga ganyang klaseng drama. Step up and improve your game.

Ano bang ginawa ko nung ang daming umaaligid sa tabi tabi at naninira. Pinagsilbihan ko si Chito. Minahal ko pa siya lalo. Never ko siyang binigyan ng kahit anong hassle sa buhay. Never akong nagbunganga sa kanya. Never akong nagwala. Never ko siyang inaway. Kahit nasasaktan ako sa kanya dati dahil sa kanyang pambababae at feeling ko hindi niya ako pinagtatanggol sa mga babae na umaaway sa akin, minahal ko pa rin siya. Ginantihan ko siya ng kabutihan. Hindi siya nakarinig ni isang reklamo galing sa akin.

Nung nagtwenty eight ako, narealize ko na tumatanda na ako at hindi eto yung gusto kong relationship. Gusto ko ng normal na buhay. May matinong asawa, mapagmahal na mga anak, simpleng bahay, simpleng buhay. Ayun talaga ang gusto ko. Paano kung mag thirty five na ako tapos ganun pa rin yung lifestyle ni Chito? Tapos dun palang kami magdecide na hindi talaga magwowork eh. Mahirap yun. Kaya nagdecide na ako noon, sinabi ko sa kanya na siguro hindi kami para sa isa’t isa. Hindi ko siya inask na magbago para sa akin. Sinabi ko na lang sa kanya na, nakilala naman kita na ganyan talaga eh. Perfect ka na sana kung di ka lang malandi. Pero syempre, lifestyle mo na yan eh. Kumbaga ikaw na yan talaga. Baka kako may babae na maiintindihan ka pa sa situation mo. At ako naman, merong lalaki para sa akin. Wag na lang ipilit yung hindi naman pwede. Maghiwalay nalang tayo habang mahal pa natin ang isa’t isa, at may respeto pang natitira. Mas maganda kako na maghiwalay kami na ok.

Ang loko, kinagat naman yung break up drama ko di ba? Hahaha! Hindi man lang ako hinabol o sabihan na baka nabibigla ka lang. Ayun, nagmayabang pa sa akin, sabi niya ok daw yun at mamayang gabi ide-date niya daw lahat ng mga girls na nilalandi siya o nilalandi niya, basta naglalandian sila, haha! Hanep di ba? Pero syempre, hindi ako nagpahalata na nasaktan ako dun. Nagsmile lang ako tapos niyakap ko siya.

Gabi na nung umalis siya, habang naiwan ako sa bahay ni Chito. Nagliligpit kase ako ng mga gamit ko para iuwi na lahat. Napakaraming ligpitin! Mga libro palang eh, dalawang balikbayan boxes na agad, kabibigat pa! And besides, hindi naman ako marunong magdrive at naka-off si Mang Din (yung driver ko) nung time na yun. So nagpahinga muna ako at nakinig ng mga heartbreaking songs. May playlist kase akong ganun sa ipod ko, pang emote lang, haha! Tapos biglang tumugtog yung kanta niyang “Halaga”. Sarap ibato ng ipod ko nun! Ang galing di ba? Galing niyang mag advice sa ibang babae samatalang yung girlfriend niya eh ganun ang pinagdadaanan! Hanep di ba?!

Siguro wala pa sa isang oras na nakaka alis si Chito, nagulat nalang ako na may narinig akong pumasok na kotse sa garahe at nagmamadaling umakyat sa second floor kung nasan yung room ni Chito. Pagbukas niya, andun pa rin ako nakahiga pero nakakalat pa rin yung ibang mga gamit kase pagod na nga ako sa kae-empake.

Bigla niya akong niyakap.

Ang lamig lamig ng mga kamay niya. Niyakap niya ako ng mahigpit. Nagsosorry siya sa akin. Sinabi niya sa akin na naiinis daw siya sa sarili niya kung bakit nya nagawa yun sa akin. Ano ba daw ang iniisip niya? Makikipag date siya sa mga girls na tipong tambay ng mga clubs at bars? Oo syempre daw kapag makita siyang kasama yung mga yun na sexy at pinagpapantasyahan ng ibang mga lalake, maiinggit daw sa kanya. Pero yun ba daw talaga ang gusto niya sa buhay? Ganung klase bang mga babae ang gusto niyang pakasalan?

Samantalang may isang babae na simple lang, walang hassle, at mahal na mahal sya na naiwan sa bahay niya na nagiisip na hindi daw sya mahal. Pero sa totoo, yun daw ang mahal na mahal niya at gusto niyang pakasalan. Gago at tanga lang daw siya.

Nakwento niya na habang nagmamadali siyang umuwi na nagpray siya at nangako siya kay God na hinding hindi na niya ako sasaktan. Nagbago siya on his own, hindi dahil sa sinabihan ko siya na magbago para sa akin.

Anyway, kaya kung mapapansin nyo kung gaano ako kamahal ni Chito at kung gaano siya magpasalamat sa akin kase sobra talaga ang pinagdaanan ko sa kanya, tapos ang dami pang gumugulo sa tabi tabi. Grabe din kase ang pasensya ko sa kanya. Mahal ko eh. Mahal na mahal ko talaga. Sa kanya lang ako nagpakagago at nagpakatanga ng ganyan. Na in love si Neri kay Chito. Pati ako nagulat kase patay na patay ako sa kanya kase hindi ako ganun sa mga past relationships ko before. Nagtitira ako sa sarili ko. Wala eh, nakahanap ako ng katapat ko.

Ang gusto ko lang sabihin din, kung hindi ako nagtyaga kay Chito noon, eh di sana di ko mararanasan yung happiness na meron kami ngayon. Kung hindi ako nag take ng risk, di ba? Nagbago siya ng kusa, hinayaan ko lang siyang matuklasan niya sa sarili niya ang lahat lahat. Buti naman nagising ang loko, haha! Pero kung hindi naman kami nagkatuluyan ni Chito, hindi pa rin ako magsisisi sa lahat ng naging desisyon ko kase wala naman akong ginawang masama sa kanya kahit yung mga panahong nasasaktan niya ako.

Kung may ginawa sayo yung tao, kung nasaktan ka niya, wag mo ding saktan, gantihan mo ng kabutihan. Mapapahiya yung taong nanakit sayo. At sa lahat naman ng mga “Sadako” na ma eencounter mo pa, wag mong patulan at pansinin. Tawanan mo lang. Syempre nakakapikon kase di ba, ang lalandi nila? Sarap talagang sampulan! Pero lagi mong iisipin na maraming nakakalat na “Sadako” sa mundo, at nasa boyfriend mo o asawa mo na lang yun kung papatol siya o hinde. Kase may choice siya. Wag ka sa mga “Sadako” magalit kase given na yan sa mundo na meron at merong manggugulo sa relationship nyo. Nasa sa inyo na yan kung paano nyo i-handle.

Basta ang mapapayo ko lang sa inyo, mahalin nyo lang ang mga partners nyo unconditionally. Kung maghanap siya ng iba pero alam mong naibigay mo na lahat, wala sayo ang problema. Kung mahal mo talaga at kaya mong tiisin pa ng hindi sinusumbat sa partner mo ang lahat ng mga sakripisyong ibinigay mo sa kanya, sige mag stay ka, mahalin mo pa ng sobra sobra, malay mo, biglang matauhan di ba? At mabaliktad naman ang mundo, siya naman ang patay na patay sayo. Sarap kaya ng feeling na mahal na mahal ka ng taong pinakamamahal mo.

Pero kung alam mo talaga na wala na talagang pag asa at hindi ka na masaya, alam mo na ang sagot… pag aralan mo na kung paano ka magpapa alam sa kanya. At pag aralan mo na din kung paano mag move on.

Sana nakabigay ako ng konting inspirasyon at pangaral na maganda sayo, Angela at sa lahat ng nakakarelate ng ganitong klaseng sitwasyon.

-NM