My Breastfeeding Journey with my Miguel

First of all, gusto ko lang i-congratulate lahat ng mga nanay na nagpapadede sa mga anak nila! Akala ng ibang mga tao na madali lang ang magpadede ng mga anak, hindi po. Gusto ko rin magpasalamat sa mga very supportive husbands natin, kase kahit mahirap ang breastfeeding journey namin, andyan kayo para umalalay at tulungan kami. Isama na rin natin ang mga parents natin, mga kapatid, at mga kaibigan na sumusuporta sa atin, maraming salamat po sa lahat ng tulong nyo sa amin. At kung ikaw at ang iyong anak lang ang magkasama sa journey na ‘to, walang support system sa iba, sobrang galing nyo at bilib na bilib ako sa inyo. Be proud of yourself.

Paano ko ba sisimulan ang breastfeeding journey ko kay Miggy?

November 22, 2016, pinanganak ko si Miggy dito sa Tagaytay. Lahat ng akala kong gusto kong mangyare sa panganganak, sa pagpapadede, at pag aalaga sa anak ko, hindi nangyare. Emergency CS ako, gusto ko normal delivery. Sa di inaasahang pangyayare, kailangang hiwain na ako. Halos isang litrong dugo ang nawala sa akin at bumagsak ang blood pressure ko. Buti na lang at di na kinailangang salinan pa ako ng dugo at nagnormalize naman ang blood pressure ko agad. Salamat sa mga doctors ko at sa Diyos.

Gusto ko exclusively breastfed si Miggy. Pagkalabas ni Miggy, may uti na siya agad. Need siyang padedein. Need naman akong ipahinga. Pero napadede ko pa rin si MIggy. Pinilit ko ang sarili ko. Nagagalit ako sa idea na papainumin ng formula ang anak ko. Feeling ko, anong klase akong ina kapag papainumin ko ng formula? Kahit napakasakit, talagang sinubukan kong magpadede kay Miggy. Jusko! Para akong nanlalambot sa pakalatch ni Miggy. Para akong magkakasakit! Napakasakit! Gusto mo ng matapos na agad. Gusto mong mabusog na siya agad kase di biro ang magpadede! Mas masakit pa sa panganganak at yung buong journey ko ng pagbubuntis para sa akin. Sinisipa ko yung dulo ng bed tapos namimilipit talaga yung toes ko. Nangangatog talaga siya. Akala ko OA lang yung mga kwento nila na masakit ang magpabreastfeed sa una. Hindi pala. Mas malala pa yung na experience ko sa mga narinig kong mga kwento.

Pero mahina pa rin yung katawan ko. Need pa rin ipahinga. Kailangan kong bumawi para mas dumami ang gatas ko. Since bagsak ang katawan ko at stressed ako, konti lang ang lumabas na milk sa akin. Mas lalo akong nafrustrate at umiiyak. Nagalit ako sa sarili ko bakit kakaunti lang yung napproduce kong milk, bakit yung ibang mga mommies, hindi na nga nila alam kung saan nila ilalagay yung mga extra milk nila. Ako sobrang lumobo yung dede ko pero konti lang yung milk na naproduce ko after kong manganak. Galit na galit ako sa sarili ko.

Kailangang mas maraming milk ang painumin kay Miggy para makaihi siya agad. Sinabi na sa akin ng asawa ko, ok lang ang formula. Basta para kay Miggy. Need na niyang uminom ng milk. You need to rest for Miggy. Wala akong nagawa. Iniyak ko na lang yun at galit na galit ako sa sarili ko. Sinisisi ko sarili ko for not producing enough milk for my son.

Nakapahinga ako. Ok na rin si Miggy. Ten days kami sa ospital kase nga need iwan si Miggy dun pero nagstay na rin ako para makasama siya. Hindi ko kayang iwanan si Miggy ko sa ospital. Kailangan niya ako. Kaya nagstay din kami dun.

Pagka uwi namin sa bahay. Umiyak ako ng akala mo ay kinawawa ako. Nagulat ang asawa ko, bakit daw ako umiiyak. Sabi ko feeling ko di ako mabuting ina kay Miggy. Nagulat ang asawa ko kung bakit. Kase kako nagpainom ako ng formula sa anak ko. Sinabi sa akin ng asawa ko na, hindi nasusukat ang pagpapadede lang sa anak kung gaano ka kabuti bilang isang ina at kung gaano mo kamahal ang anak mo. Isang factor lang yan. May mga ina daw na blessed sa milk, may iba naman ay nakulangan pero di naman nagtatapos dun ang pag aalaga ng anak. Simula lang yan. Basta daw napapakain ng mabuti ang anak, breastmilk man o formula, yun naman ang importante. 

Iba talaga kapag may support system ka. Nakakawalan ng praning.

Gumaan ang pakiramdam ko dun pero hindi pa rin talaga ako ok sa idea ng formula. Pinilit ko talaga na magpa breastfeed. Kahit mahirap at masakit. Ginawa ko yun kase bilang ina, alam ko iyon ang tama.

Pero alam nyo yung hindi tama? Yung sisihin ko yung sarili ko at tawagin ko ang sarili ko na walang kwentang ina dahil napapainom ko ng formula ang anak ko.

Eh sa mahina ang milk ko that time eh at kailangang magpalakas para rin sa anak ko. Paano kung biglang bumagsak ulit yung blood pressure ko? Mas lalong hindi ako makakaproduce ng gatas at baka mas malala pa, hindi ko siya mapadede ng tuluyan.

Dahil ba yan sa mga sasabihin ng ibang mga nanay? Marami kasi rin na mapanghusgang ibang ina na akala mo sila na yung tama sa pag aalaga ng anak dahil never silang nagformula. Hindi ko nilalahat. Pero marami. At nakaka stress sila. Eh di sila na ang tama. Eh di kayo na, di ba?

Pero marami rin namang mga nanay na kahit exclusively breastfed ang mga anak nila, hindi sila nanghuhusga kundi nag eencourage pa sa mga kapwa ina na kaya rin nila na magpadede sa mga anak nila.

Words of encouragement ang kailangan natin sa kapwa ina. Kase hindi rin natin alam kung ano ang pinagdadaanan nila. Maaring single parent siya o wala siyang support system, o nagkakaroon siya ng postpartum depression. Wag pa natin dagdagan yung hirap na dinadanas ng kapwa natin ina. Be compassionate.

Bilang isang ina, lahat naman ay gagawin natin para maipakita at maiparamdam natin sa mga anak natin kung gaano natin sila kamahal, formula man o breastmilk. Ang mahalaga ay naalagaan ng tama ang mga anak natin.

Sa natutunan ko bilang isang ina, lalo na yung mga buntis palang dito, please mag regular visit kayo sa ob gyne nyo. Dapat ay may magandang relationship kayo sa doktor nyo para mapanatag ang loob nyo na magiging ok kayo ng anak mo saka syempre mas naaalagaan si baby kahit nasa tyan palang. Makipag kaibigan din sa pedia ng anak mo para kapag may mga katanungan ka, may doctor na matatanungan ka at hindi yung sabi ng nakakatanda o ng kapitbahay o ni Dr. Google. Sa doctor ng anak mo dapat magtanong at sundin ang mga reseta kung meron man.

Hindi ko kayo mabigyan ng mga advice na di ko naman alam o naexperince man lang. Hindi ako expert pagdating sa pag aalaga ng anak. First time mom lang ako. Pero yung naibabahagi ko sa inyong lahat ay yung naexperience ko lang bilang ina ni Miggy.

Hindi rin ako umattend ng mga breastfeeding class, para sa akin waste of time at pera yun. Pero sa marami, malaking tulong daw yun katulad na lang ng ate ko. May kanya kanya tayong ways at kanya kanyang paniniwala kung saan mas makakabuti para sa inyo ng anak mo. Di ako umattend dahil sa Manila lahat ng classes, Alfonso, Cavite ako nakatira. Malayo. At buntis pa ako. Di ko kayang bumiyahe. Lumalabas lang ako sa bahay noong buntis ako, kapag may check up ako. Ayaw ko talagang lumabas kase medyo mataray ako nung buntis ako saka sensitive. May mga amoy na di ko kaya at nahihilo ako.

Anyway, yan so far ang breastfeeding journey ko kay Miggy. At proud ako na until now ay nagpapadede pa rin ako kay Miggy. Gusto na ngang i-wean ng asawa ko kase naaawa siya sa akin. Dahil kahit tulog ang anak ko, nakasapak pa rin yung dede ko sa kanya, at kulang na lang mag acrobat ako sa mga posisyon namin dalawa ng anak ko, kase kung saan siya kumportable sa pagdede habang tulog, kailangan kong mag adjust kundi baka magising siya. Dun naaawa asawa ko pero bilang isang ina, ok lang, tiisin lang, basta makatulog ng kumportable ang anak mo. At proud din ako na healthy si Miggy kahit wala siyang vitamins. Yes, since nagpapadede pa rin ako kay Miggy, no need naman daw for vitamins.

Tandaan, don’t be hard on ourselves para di tayo mastress at mas maalagaan natin ang ating mga anak at syempre ang ating sarili.

High five mga mommies!

-NM

3 thoughts on “My Breastfeeding Journey with my Miguel

  1. jam rose tarayao says:

    Hi Ms. Nerri!Congratulations po at nakayanan nyo pong lahat.lalo nyo pong napataas yung respeto ko sa inyo bilang Nanay!Lodi!!hehe ,tulad nyo breastfeeding Mom din po ako,working,13mos napo si Baby.Ang dami ko rin pong pinagdaanan nun,dumating aq sa point na kinausap ko na sarili ko na baka kailangan ko na tlagang tanggapin na hindi para samin ng anak ko ang breastfeeding,pero hindi ko pala kaya,gat may paraan gagwin ko,,awa ng Diyos,naitawid namin ni Anak,mas mahirap po Ms. Neri lalo at nagtatrabaho kasi araw araw kabado ako kung mauuwi ko ba yung sapat na milk para sa knya kinabukasan,yung totoo kulang po kaya kailangan gumising ng madaling araw para makipon.Hindi ko po namalayan na naka isang taon na kami ng Anak ko at wala po akong balak na i-wean sya,kung hanggang kelan po niya gusto.
    Again ,congratulations Ms. Neri sa lahat ng aspeto ,ang galing mo.Napakaswerte po ni Miggy at kayo ang naging Mommy niya.Gobless po !!!

    Mommy Jam Tarayo

    Like

  2. Ging says:

    Anong part dito ang nakaka offend sa ibang nanay? Totoo naman ito, na-experience nya to. Totoo naman talaga na nappressure ang mga new moms to breastfeed kasi may mga ibang tao na hinuhusgahan ang mga nanay na hindi nagbbreastfeed. Idealistic talaga ang mga new moms kasi ganun talaga. Hindi ko alam kung bakit binabash nila si Neri na sa pagkabasa ko sa blog na ito, wala naman akng nabasa na jinu-judge nya ibang mommies. Words of encouragement pa nga ito, based on her experience as a new mom to her Miggy. Isa lang ang ibig sabihin nito Neri, SIKAT ka at may VOICE ka to influence others! Kung may beauty influencer, isa ka na sa mga Mom influencer! Oh di ba bongga! Pagpatuloy mo lang pag iinspire sa mga followers mo at isa ako sa mga naiinspire mo! Natutuwa ako sa pagkawais na misis at ina mo. Naiisip ko talaga na sana mas marami pang mga babae or ina ang mainspire mo na maging wais at sa maliliit na paraan mahawakan ang renda ng buhay nila, na hindi maging biktima sa mapanghusgang mundo na ating ginagalawan. Cheers to you Neri! I salute you👍😊

    Like

Leave a comment